Miyerkules, Hulyo 30, 2025

7M apektado sa masamang serbisyo sa tubig

7M APEKTADO SA MASAMANG SERBISYO SA TUBIG

tinumbok na ng balita ang masamang serbisyo
sa patubig, na ari ng isang mayamang angkan
sa kanila kasi'y di serbisyo kundi negosyo
ang patubig kaya naman nangyayari ang ganyan

kaya tama ang himutok ng mga maralita
manggagawa, bata, kababaihan sa kalunsuran
pati na sa malalayong relokasyon ng dukha
gayong bilang kostumer ay nagbabayad din naman

artistang si Carla Abellana'y pinuna ito
nang magpadala umano ng disconnection notice
ang kumpanya kahit walang tumutulo sa gripo
habang ang iba sa kawalang tubig nagtitiis

mas magandang kumilos na ang apektadong masa
upang isiwalat ang aba nilang kalagayan
sa kumpanya ng tubig na di ayos ang sistema
bakasakali, bakasakaling ayusin naman

- gregoriovbituinjr.
09.30.2025

* ulat mula sa Abante Tonite, 07.30.2025, p 3

Bawal umupo sa panaderya

BAWAL UMUPO SA PANADERYA

tambayan na ba ang panaderya?
na sa tabi ng eskaparate
ng tinapay ay uupuan pa
tinatambayan ba ng salbahe?

basahin mo lang ang karatula
at mapapaatras ang bibili
bakit naman? bibili lang siya
uuwi na matapos bumili

may uupo kasi sa umaga
magpapandesal at magkakape
kaya naglagay ng karatula
sa panaderyang may binibini

maganda ang naroong tindera
na sa panaderya'y nagsisilbi
ay, maraming uupo talaga
at tatambay pagkat nawiwili

- gregoriovbituinjr.
07.30.2025