Huwebes, Abril 29, 2021

Benepisyaryong planted?

BENEPISYARYONG PLANTED?

di naman magsasaka
ngunit sanay sa planted
ganito ba talaga?
ano bang ating batid?

anong tingin sa masa?
na utak ay makitid?
para bang ebidensya?
na di alam kung planted?

may pantry ang pulisya
benepisyaryo'y planted
community pantry ba?
ay isa nang balakid?

kung magtalaga sila
ng tinuring na planted
masa sa pantry nila
ba'y sa mali nabulid?

dapat litratuhan pa
pag natanggap ang hatid
na ayuda ang masa
patakarang di lingid

ito'y tanong lang muna
nais naming mabatid
bakit kailangan pa
tutulungan ay planted?

- gregoriovbituinjr.

Bagalan lang ang takbo

BAGALAN LANG ANG TAKBO

bagalan lang ang takbo, bagalan
nakapinta mismo sa lansangan
na paalala sa may sasakyan
upang aksidente'y maiwasan

SLOW DOWN: malaking nakapinta
lalo sa matao't may kurbada
na dapat lang sunding paalala
nitong tsuper na namamasada

di pa siksikan sa dyip o sa bus
nag-iingat sa coronavirus
mag-social distancing tayong lubos
nangyayari na'y kalunos-lunos

kayhirap kung sasakya'y mabangga
naaksidente'y kaawa-awa
o kaya'y may mabundol na bata
sa bilis ng takbo'y may nagluksa

magmaneho lamang ng mabagal
lalo na sa paliko't may kanal
baka pasahero na'y mangatal
kung patakbo'y parang patiwakal

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang bus

Sa mga kalakbay

dapat nang tumula ng tumula
pagkat baka mamatay na bigla
tandang handa at may ginagawa
upang mulatin ang dukhang madla

di lang panahon ang nauubos
panahon pa ng coronavirus
panahon din ng pambubusabos
at kayrami ring naghihikahos

buti kung bumubuti ang lagay
ng bawat isang mga kalakbay
at kung sumakbibi na ang lumbay
kaya pa ba ng diwang magnilay

tula ng tula kahit ganito
sana'y nasa maayos pa kayo
ngunit magpatuloy pa rin tayo
baka masolusyonan pa ito

"mag-ingat!" ang tanging masasabi
sa katoto, kalaban, kakampi
mag-ingat sa sakit na salbahe
habang katha'y nasa guniguni

- gregoriovbituinjr.

Pagsisilbi

isa man akong kadalasang binabalewala
ayos lang, habang patuloy sa misyon at adhika
kahit di man pansinin ang tulad kong maglulupa
patuloy akong kikilos, buhay ko'y nakahanda

tinuring akong alikabok ng nasa burgesya
tinuring akong puwing sa kanilang mga mata
tinuring akong putik sa madulas na kalsada
tinuring akong tuldok na itim sa puting tela

hayaan akong sa kapwa'y magkaroon ng silbi 
lalo't pinili ko'y buhay na di makasarili
hayaan akong ihalo kapara ng adobe
sa ginagawang gusali ng bunying anluwagi

sapagkat namumutiktik ang balon ng pag-asa
upang lumaya ang masa sa bulok na sistema
nakikibaka pa rin sa gitna ng pag-iisa
habang nagdaralita ang nakararaming masa

- gregoriovbituinjr.

Hayak

HAYAK

marahil nga'y lagi akong nakalutang sa ere
nakatingalang nagninilay ng mga nangyari
tila walang ginagawa subalit super busy
sukdulan man ang hirap, patuloy sa pagmumuni

tila isang lawing lumilipad sa panginorin
tutok ang mata sa lupa't tila may dadagitin
kumakalam ang sikmura't ang hanap ay pagkain
maingat sa paglipad, alam kung anong gagawin

subalit bakit mga pangarap ay naglalaho
kung walang adhikang sa puso't diwa'y nahahango
dapat matiyak na may maipakain kay Bunso
nang hindi na kailangang magbubo pa ng dugo

iyang makatang hayak, nakalutang ang isipan
nasa'y masarap na pulutan ang nais matikman
nais bumarik upang bumalik sa katinuan
at makaulayaw muli ang dukhang mamamayan

- gregoriovbituinjr.

* hayak (pang-uri) - nakalutang ang isipan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 439