Biyernes, Abril 16, 2021

Ayuda sa mga drayber, ayudahan ang lahat

AYUDA SA MGA DRAYBER, AYUDAHAN ANG LAHAT

dapat walang maiiwan, ayudahan sinuman
ganito nga dapat ang yakaping paninindigan
dapat lahat maayudahan, walang maiiwan
maging drayber sila o karaniwang mamamayan

ulat sa telebisyon, epekto sa ekonomya
ng pandemya dahil nagpatupad ng kwarantina
patuloy pa rin daw naghihirap ang ilang masa
ang tanong nga'y ilan nga lang ba o marami sila

ilan lang o marami, ulat ba'y katanggap-tanggap
kinukundisyon bang kaunti lang ang naghihirap
o dahil kapitalismo'y talagang mapagpanggap
ilan o marami ba, ang sa hirap nakalasap 

kung di man kulang ay walang natanggap na ayuda
milyun-milyon ito, di lang taga-Metro Manila
sa Lungsod Quezon pa lang, botante'y higit milyon na
paano kung buong N.C.R. ang bigyang ayuda

kaya di ilan, maraming Pinoy ang naghihirap
marahil nga'y kulang o walang ayudang natanggap
sa karatig-probinsya'y ganyan din ang nalalasap
na wala pang pandemya, buhay na'y aandap-andap

- gregoriovbituinjr.

Karangalan ko ang ma-redtag

karangalan ko ang ma-redtag, oo, karangalan
dahil kinalaban ang pamahalaang haragan
na nag-atas ng tokhang, pagpaslang sa mamamayan
sa ngalan ng War on Drugs, pulos dugo't karahasan

isang karangalang ma-redtag ang tulad kong tibak
pagkat isang lipunang malaya ang tinatahak
pagkat bulok na sistema'y dapat nang binabakbak
at bigyang lunas ang kanser ng bayang nagnanaknak

dahil pangarap itayo'y lipunang makatao
dahil nais na bawat isa'y nagpapakatao
walang mapang-api't mapagsamantala sa mundo
di kontraktwal kundi regular ang bawat obrero

ipinaglalaban ang dignidad ng bawat isa
nakikibaka para sa panlipunang hustisya,
karapatang pantao at kapakanan ng masa
pinagkakaisa ang manggagawa't magsasaka

sa Kartilya ng Katipunan ay may sinasabi
ang payo sa bayan: Ipagtanggol ang mga api
na sinundan pa ng: Kabakahin ang mang-aapi
pawang mga alituntunin ng bawat bayani

di ako gayon katapang, bagamat di rin duwag
natatakot din ako, subalit dapat pumalag
lalo na't hustisya'y binababoy ng salanggapang
at wastong proseso ng batas ay di na ginalang

sa sarili na'y magsimulang labanan ang takot
upang maipakitang maysala'y dapat managot
kung pulos takot, walang titindig laban sa buktot
hinahayaan nating mamayani ang baluktot

ang ganyang pagre-redtag ay pamamaraan nila
upang takutin ang masang nagnanais mag-alsa
dahil palpak ang pamumuno ng tuso't burgesya
dapat lang patalsikin ang bu-ang na lider nila

dinadaan ko lang sa tula ang panunuligsa
di pa makalabas, may pandemyang kasumpa-sumpa
kayrami pang tokhang na nangyari't di nabalita
sa midya't takot ang pamilya't baka balikan nga

hanap ng masa'y hustisya, samutsari ang isyu
pawang pagpaslang ang meryenda ng mga berdugo
na binaboy ang batas, wala nang wastong proseso
dahil atas din iyon ng bu-ang na liderato

nagpasa pa ng Anti-Terror Law ngunit ang target
ay di lang terorista kundi aktibistang galit
sa maling sistema ng elitista't mapanglait
na pinagsasamantalahan yaong maliliit

karangalan na ang ma-redtag, isang karangalan
pagkat aking tula'y binabasa pala ng bayan
kung ako'y dakpin dahil sa pinaniniwalaan
di ako yuyuko ikulong man o mamatay man

- gregoriovbituinjr.

Sa dibdib ng kagubatan

nasa dibdib ng kagubatan ang kapayapaan
at ginhawang hinahanap-hanap ng mamamayan
subalit di ka magugutom, magsipag ka lamang

matatalisod mo lamang ang laksang gugulayin
sa mga puno'y may mga bunga pang makakain
subalit mag-ingat sa kumunoy na tatahakin

nagkalat din sa kagubatan ang mga ilahas
na hayop na binebenta ng mga talipandas
subalit kung magpabaya tayo, di sila ligtas

gubat para kay Florante'y madawag at mapanglaw
nang makatakas sa nambihag at doon naligaw
subalit nasagip ni Laura mula sa halimaw

tangi mong ambag ay alagaan ang kalikasan
ang mamumutol ng puno'y huwag mong hahayaan
subalit mag-ingat ka't baka ikaw ang balikan

halina't magtanim ng puno, mag-reporestasyon
upang may mapupugaran ang laksa-laksang ibon
subalit isabuhay kung ito na'y iyong misyon

- gregoriovbituinjr.

Gaano kapait ang minsan

gaano nga ba kapait ang dinanas mong hirap
ito'y mga pangyayaring sa diwa'y inapuhap
at sa minsang pag-iisa'y napagnilayang ganap
sa buhay ay may tamis at pait na malalasap

nalasap mo ba ang pait ng ampalaya't apdo
na kahit nais mong kainin ay parang ayaw mo
lasang di kanais-nais, isusukang totoo
tulad ng pagkawala ng pagsuyo ng sinta mo

ah, di lamang pulos tamis at ginhawa ang buhay
kayrami ng salungatang di matingkalang tunay
akala mo'y kayo na kaya laging nagsisikhay
ngunit hindi pala kaya napuno ka ng lumbay

tinokhang ang iyong mahal ng mga kapulisan
pagkat nagmistulang halimaw na sila't haragan
kaypait mawalan ng mahal lalo na't pinaslang
kaya tanong mo'y "Nahan ang hustisyang panlipunan?"

nilisan ka ng sinta, nakipagtanan sa iba
tinamaan ng COVID ang minamahal mong ina
ama'y naipit ng makina noong bata ka pa
karukhaan yaong dinanas ng buong pamilya

pait ng karanasan ay paano tatanganan
iba'y nagpatiwakal pagkat di na nakayanan
ganyan nga ba ang buhay, pagnilayan mo ring minsan
baka masabi sa kaibigan: "Kaya mo iyan!"

- gregoriovbituinjr.

Kahit walang makain, ako pa rin ay tutula

kahit walang makain, ako pa rin ay tutula
pagkat ito na ang buhay ko kahit walang-wala
magsusulat kahit sa tiket ng bus o palara
kahit sa lumang kwaderno't coupon bond ay kakatha

ako'y ganyan kadedikado sa napiling sining
paksa'y naglalaro sa diwa kahit nahihimbing
subalit minsan, tula'y almusal na pagkagising
laging kasama ang masa, wala sa toreng garing

itutula pati danas kong hirap, hikbi't gutom
tinig man ng masa'y di hahayaang nakatikom
kinakatha kahit halimuyak ng alimuom
mga isyung panlipunang sa tula nilalagom

tangan pa rin ang pluma kahit na pinupulikat
may katha sa diwa kahit may pasan sa balikat
nais kong ipakita sa sariling ako'y tapat
sa sining na ito, paumanhin kung bumabanat

wala mang laman ang tiyan, may nasasabi pa rin
bakit walang laman ang tiyan, wala bang makain
bakit di lamnan ang tiyan, bakit mo titiisin
ang gutom kung may paraan ka upang makakain

ah, sa kabila ng gutom, napakaraming paksa
bakit ba kadalasan ay tulala't namumutla
damhin mo ang sarili, tanungin ang manggagawa
magmatyag sa kapaligiran, kumusta ang madla

maraming salamat sa mga nagbabasa sa akin
seryoso ba ako, patawarin o patawa rin?
salamat sa tula't isipan ay malinaw pa rin
tula, tupa, tuka, toma, salita'y pagsalitin

- gregoriovbituinjr.