Huwebes, Oktubre 15, 2015

Apoy sa diwa

APOY SA DIWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

pumapatak ba ang luha
sa nag-aapoy na diwa
nayanig nga ba ang lupa
nang lumad ay kinawawa

magkakasakit sa baha
na inihian ng daga
kapag dumatal ang sigwa
tiyaking tayo ay handa

nagagalak ba ang bata
pag pamilya'y walang-wala
ikaw na ba'y magtatanda
pag nagalit ang matanda

gagawin ba ng makata
na mag-ipon ng palara
upang doon ay ikatha
anumang alay sa madla

isusulat pa ba'y luha
ng nag-aapoy kong diwa
gawin natin anong tama
upang di tayo madapa

Paglilimi

PAGLILIMI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

i.

kapag nagdidilim ba ang langit
siya sa akin ba'y nagagalit
bakit ang ngipin nya'y nagngangalit
gayong di naman ako kaalit

nais ko lamang namang igiit
sa kanyang bugtong ako na'y sirit
maaari kayang makahirit
na puso namin na'y magkalapit

kausap ko ang mutyang kaybait
tunay na diwatang anong rikit
pagkapraktikal nya’y nakaakit
imbis pag-ibig, bigas ang sambit

ii

nakatambay ang malayang pipit
sa bahay ng maralitang gipit
kaysasaya ng bumubunghalit
huwag lamang sa kapwa'y manlait

Pangarap na lakad sa Palawan

litrato mula sa FB ni kasamang Joemar

PANGARAP NA LAKAD SA PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sa isipan pa lang naglalakad
isang pangarap ang nilalahad
nang mabatid ko ay napaigtad
lakad sa Palawan na ang hangad

makasama rito'y aking nais
ikakampanya ang Climate Justice
tao rito'y di dapat magtiis
planong coal plant ay dapat maalis

sana'y maganap bandang Enero
o kaya naman ay sa Pebrero
huwag lamang sa Nobyembre ito
pagkat may Paris pang lakad tayo

ang Palawan ay mararating din
lakad sa Paris muna'y tapusin