Lunes, Hulyo 5, 2021

Naisusulat ko na sa gatla

NAISUSULAT KO NA SA GATLA

naisusulat ko na sa gatla
kung ano ang nasa puso't diwa
ganito yata ang tumatanda
mga danas na'y bakas sa mukha

pagtanda'y di na maiiwasan
lalo't dumarami na ang uban
gatla sa noo'y naglalabasan
tanda bang tumalas ang isipan?

kalahating siglo na'y palapit
o kalahating siglo mang higit
ang mahalaga'y di nagigipit
pag sa edad na ito'y sumapit

masdan ang gatla't nakasisilaw
kislap ng pag-asa'y matatanaw
datapwat ang talagang malinaw
matandang hukluban ang lumitaw

sa bawat gatla na'y nakabakat
ang mga pinagdaanang sukat
bawat saknong ay nagdudumilat
bawat taludtod ay kabalikat

tatanda rin ako't maglalaho
ay di mapapawi ang pagsuyo
tanging hiling ko lamang sa mundo
ang pangarap sana'y di gumuho

- gregoriovbituinjr.

Kung magkasakit at mamatay

KUNG MAGKASAKIT AT MAMATAY

nawa'y sa tahanan lang ako makapagpagaling
kaysa ospital na pambayad ay tumataginting
kahit baryang pilak pa ang perang kumakalansing
mahal na presyo ng kalusuga'y nakakapraning

baka mas mura pa ang ataul kung mamamatay
lalo na't ngayong may pandemya'y aking naninilay
baka mas mura ang kremasyon o sunuging tunay
may tunggalian ng uri kahit na sa paghimlay

sa sementeryo'y may apartment pa ngang patung-patong
mura lang daw ang upa ng lagakan ng kabaong
habang ang mga mayayaman ay may maosoleum
sa kamatayan man, magkakaiba rin ang hantong

sa susunod na henerasyon ba'y anong pamana
kundi sa kinathang tula'y pawang himutok lang ba
ako'y nabubuhay ngayong nagsisilbi sa masa
tulad ng iba pag namatay, malilimutan na

ah, basta masaya akong magsilbi, naglilingkod
sa uring manggagawa't dukhang itinataguyod
na kahit sa sangkatutak na isyu'y nalulunod
prinsipyo'y ipaglalaban kahit nakakapagod

itatayo ang asam na lipunang makatao
kasama ang kapwa maralita't uring obrero
kahit na ang pagkilos na ito'y ikamatay ko
ipagmamalaki kong ang ginagawa ko'y wasto

- gregoriovbituinjr.

Minsan sa pagbibidyoke

MINSAN SA PAGBIBIDYOKE

mga kasama'y naroong nagbibidyoke minsan
nagpakain ang isang kasamang may kaarawan
matapos iyon ng pulong nang sila'y magkantahan
at inaya akong kumanta, aking tinanggihan

ngunit noon ay malakas ang loob kong kumanta
basta nakahawak ng mikropono ay lalarga
subalit nang si misis ang pagkanta ko'y napuna
na boses ko'y galing sa ilong, ako'y tumigil na

hanggang ngayon, di na ako kumanta sa bidyoke
tila baga ang pagkanta ko'y isa nang bagahe
pag narinig ng iba, nadarama ko'y diyahe
nakakahiya na sa sinumang makasasaksi

di naman ako matampuhin, inisip ko pa rin
ang kawastuhan ng pagpuna ni misis sa akin
baka nagkakalat lang pala ako'y di ko pansin
baka tingin nila ako'y magalit pag punahin

kaya sa mga inuman, di ako mapaawit
kahit lasing na'y nakikinig na lang sa pagbirit
mas sa pagkatha na lang ako nagkonsentrang pilit
at baka dito'y mas may silbi ako't walang sabit

buti na lang, nila-like ni misis ang aking tula
kahit siya lang ang madalas nagla-like sa katha
na kung di siya mag-like, bigo akong manunula
at di na nararapat tawaging isang makata

- gregoriovbituinjr.