Martes, Setyembre 16, 2025

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND

hinanap ko na sa diksyunaryo
salin ng BACKGROUND sa Filipino
may likuran, karanasan, pondo
anong etimolohiya nito?

sa Ingles, back at ground, pinagsama
ito yaong compound word talaga
eksaktong salin nito'y wala pa
ngunit ito'y kailangan ko na

kaya akin nang napag-isipan
salitang "litrato sa likuran"
compound word, pagsamahin din naman
kaya nabuo ko ang LITKURAN

sa disenyo'y kakailanganin
sa tulang nalikha't lilikhain
sana, salitang ito'y tanggapin
ng bayan at ito na'y gamitin

- gregoriovbituinjr.
09.16.2025

* ang litkuran ay kuha sa MOA

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN

kapag nagalit ang taumbayan
sa talamak na katiwalian
nangyari sa Indonesia't Nepal
sa Pinas nga ba'y maiiwasan?
iyan ay malaking katanungan

sa Indonesia't Nepal, nagalit
na ang taumbayan sa korapsyon
pati gusali ng parlamento
ay nilusob ng masa't sinunog
na sa korapsyo'y tanda ng poot

nagawa ang di inaasahan
sa Pinas ba'y mangyayari iyan?
aba'y naging legal ang nakawan
sa proyekto ng pamahalaan
ghost project nga'y pinag-uusapan

tumbukin ang tunay na problema
iyang kapitalismo talaga
tipid sa serbisyong panlipunan
sa ghost project, binaha ang bayan
korporasyon ang nakikinabang

bulok na sistema ang dahilan
kasakiman at kapangyarihan
oligarkiya, trapong gahaman
at dinastiya pa'y naririyan
na dapat ibagsak nang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
09.16.2025

* ang litkuran (litrato sa likuran o background) ay mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 13, 2025, pahina 2-3