ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod
1
ang makata ng Balik-Balik
aba'y lagi nang bumabarik
lango na't mata'y tumitirik
tila tinamaan ng lintik
2
ang makata'y lubog sa utang
habang diwa'y lulutang-lutang
pinupulutan nila'y katang,
hipon at tulingan sa dulang
3
ang makata'y biglang naghandog
ng tula at nagkukumahog
sa mutyang puspos ng alindog
na, oh, nais niyang mapupog
4
ang makata animo'y bangag
buhay daw niya'y bakit hungkag
dalaga nama'y napapitlag
nang kanyang halikan ang dilag
5
ang makata na'y pulang-pula
pagkat nasampal ng dalaga
kaytindi ng napala niya
sa bigla-biglang arangkada
6
makata'y biglang nakaidlip
dalaga'y nasa panaginip
sa puso niya'y halukipkip
na may ligayang nasisilip
7
at ang makata'y nagising na
dagling hinanap ang dalaga
at nang mapasagot ang sinta
sa kasalan agad niyaya
8
makata'y di muna bumarik
pagkat sa sinisinta'y sabik
anong tamis ng bawat halik
habang ang mata'y tumitirik