Miyerkules, Mayo 18, 2016

Kung baliw man ang makatang ito

KUNG BALIW MAN ANG MAKATANG ITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung makatang tulad nami’y baliw ang turing
sadyang nababaliw kami sa iibigin
baliw sa dalagang nais hagkan, maangkin
tulad ba ng pulutang kaysarap papakin
nakabubusog pag pag-ibig ang sambitin
puso’y di na gutom sa tulang kakathain

kung baliw man kaming makatang umiibig
ito'y dahil sa dilag kami'y nananalig
na sa puso niya'y pagsinta ang manaig
upang siya'y mapiit ko sa aking bisig
kung luha man sa puso ko'y kanyang idilig
masakit man, tatanggapin kong nakatindig

Walang komento: