WALA IYON SA KULAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
wala iyon sa kulay ng balat
kundi naroon sa pusong iwi
damdamin ma'y magkasugat-sugat
kakamtin din ang nilulunggati
wala iyon sa kulay ng buhok
kahit utak sa ulo'y katabi
kung anong mabuti’y di maarok
at iniisip lang ay sarili
wala iyon sa kulay ng barong
upang igalang ng taumbayan
dahil trapong tiwali'y paurong
at sa kapwa’y walang pakialam
wala iyon sa kulay ng binti
ng dalagang pinakasusuyo
kung pangit yaong kanyang ugali
ay di rin kayo magkakasundo
wala iyon sa kulay ng tinta
upang akda'y kanilang basahin
nasa kathang kahali-halina
itim, asul, pula man ang bolpen
iyon ma'y tulad ng bahaghari
mahalaga'y iwi nitong layon
upang makamit ang minimithi
at magtagumpay sa bawat hamon