ANG BAHA SA SAMPALOC
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
I
Musmos pa lang danas ko na ang baha sa Sampaloc
Naglulutangan ang mga bagay, di ko maarok
Habang mahal kong ina't ama'y panay yaong ligpit
Itataas yaong mga mahahalagang gamit
Di ako makapaglaro sa butas na lansangan
Di ako makatawid sa pagbili sa tindahan
Bilin kasi ni ina, huwag dumaan sa baha
Dahil marumi raw ito't inihian ng daga.
II.
Kaylaki ko na, binabaha pa rin ang Sampaloc
Baha sa daang España'y di ko pa rin maarok
Dulot ba ito ng climate change o kawalang paki
Kayrami ng administrasyong di yata nagsilbi
Bakit di masolusyunan, wala bang laang pondo
Kung hindi nila kaya, may magagawa ba tayo
Sa ambong tikatik, babahain na ang kalsada
Habang mga trapo'y nagsisitabaan ang bulsa.
III.
Nagbagyo muli, Sampaloc pa rin ay binabaha
Mga basura sa kanal ay tila nagwawala
Naglipana kung saan-saan ang basurang plastik
Bumara sa daluyang tubig, doon nagsumiksik
Bakit hanggang ngayon problema'y di malutas-lutas
Ang solusyong tagpi-tagpi ba'y naging butas-butas
Tatanda akong binabaha pa rin ang Sampaloc
Sana sa paglaon, pagbaha'y akin nang maarok.