Sabado, Hulyo 12, 2025

Tahong

TAHONG

kaysarap ng tahong
sa pananghalian
sa kanin mang tutong
ay pagkalinamnam

tarang mananghali
tiyan ay busugin
ang bawat mong mithi
ay baka kakamtin

sa ulam na payak
ay mapapasayaw
at mapapalatak
araw ma'y mapanglaw

tahong na kaysarap
habang naninilay
na pinapangarap
ay mangyaring tunay

- gregoriovbituinjr.
07.12.2025

Centrum, pandesal at Revicon

CENTRUM, PANDESAL AT REVICON

payak lamang yaring pamumuhay
subalit narito't napagnilay
katawan ay palakasing tunay
sa kabila ng danas na lumbay

kaya aking inalmusal ngayon
ay Centrum, pandesal at Revicon
lumakas at ituloy ang misyon
bagamat gunita ang kahapon

sapagkat kayrami pang gagawin
unang nobela pa'y kakathain
kathang maikling kwento'y tipunin
pati na mga ginawang salin

balak tapusing pagsasaaklat
ng tula't anumang nadalumat
ng kwento't sanaysay na nasulat
habang patuloy na nagmumulat

- gregoriovbituinjr.
07.12.2025