Sabado, Nobyembre 14, 2009

Mag-ingat sa Sunog

MAG-INGAT SA SUNOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

mayroon ngang kasabihan
maigi pang manakawan
kaysa tayo'y masunugan
aba'y totoo nga iyan
at di dapat kalimutan

milyong piso ang nawala
bahay at buhay ang giba
pag sunog na ay nalikha
nasunugan ay kawawa
at laging nakatulala

kaya nangyayari ito
at bahay ay naaabo
ay walang ingat ng tao
sa pagtapon ng posporo
o upos ng sigarilyo

di maayos ang lampara
may tago pang gasolina
mga kalan at tsimneya
nagkalat yaong basura
na maaaring magbaga

minsan sa buhay ng dukha
lalo't hindi kinukusa
naiiwan ang kandila
lungga'y dikit-dikit na nga
masusunugan pang bigla

ang plantsa'y huwag iwanan
alsin agad sa kabitan
ang iba pang kasangkapan
bago tayo magsilisan
ng ating mga tahanan

tsekin lagi ang kuryente
lahat ayusing maigi
nang mabuhay ng mabuti
at tayo'y di maturete
at di magsisi sa huli

buhay nati'y pag-ingatan
pati ang ating tirahan
nang di tayo masunugan
at di maabong tuluyan
ang tangi nating tahanan

Huwag Mang-uumit

HUWAG MANG-UUMIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kayhirap ng gawaing pang-uumit
dahil dangal mo'y nakatayang pilit
pag nahuli ka't ikaw ay sumabit
tiyak marami sa iyong lalait

di ka makatingin ng taas-noo
kundi nakatungo lagi ang ulo
habambuhay na parusa sa iyo
at kawawa ang iyong pagkatao

halimbawang ikaw'y isang kawani
sa tindahan at nangupit ka dine
maliit man ay magiging malaki
dahil tiyak ikaw na'y mawiwili

mabuti nang ikaw'y maging matapat
kaysa turingan kang mangungulimbat
pagkat pagkatao mo'y nasusukat
sa dangal, asal at gawa mong lahat

O, Laiban

O, LAIBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ikaw ang tahanan ng mga lumad
kaytagal na, hanggang doon mapadpad
ang ibang ang iyong lupa ang hangad
upang tayuan ng malaking saplad

aagawin ang lupaing ninuno
na tahanan ng iyong katutubo
lalaban kami upang di matayo
ang saplad kahit dugo pa'y mabubo

O, Laiban, kayraming madadamay
nananahan sa maraming baranggay
pati kultura nila'y maluluray
maging sila'y maaaring mamatay

panahon nang ikaw ay ipagtanggol
di kami papayag, kami'y tututol

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Huwag itayo ang saplad ng Laiban

HUWAG ITAYO ANG SAPLAD NG LAIBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang mga naghaharing uri'y naghahangad
itayo sa Laiban ang malaking saplad
subalit katutubo'y saan mapapadpad
kung itataboy silang nananahang lumad

saan patungo pag saplad ay naitayo
tiyak mawawala ang lupaing ninuno
saan susuling, magbububo ba ng dugo
gayong mga payapa silang walang hukbo

sa buhay nila ngayon ay ibinubungad
apektado'y maraming barangay ng lumad
pag natuloy iyang pagtatayo ng saplad
dapat na inhustisyang ito'y mailantad

di na mababakas ang magandang kahapon
pag katutubong kultura nila'y mabaon
sa limot pagkat saplad na'y natayo roon
laban sa proyekto'y magkapitbisig ngayon

* SAPLAD - salin ng DAM sa wikang Filipino
- mula sa English-Tagalog Dictionary, by Fr. Leo English, p. 223 - dam (1) n. a wall built to hold back the water of a stream or any flowing water: Prinsa (Sp. presa). Saplád

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.