Martes, Disyembre 20, 2022

Huwag matakot sumubok

HUWAG MATAKOT SUMUBOK

wala namang madali sa buhay na ito
minsan, kayhirap abutin ng pangarap mo
kung di mo susubukan, bigo kang totoo
sa unang hakbang magsimula nang matamo
ang inaasam hanggang marating ang dulo

iyan ang sinabi ni Big George Foreman noon
sa heavyweight ay pinakamatandang kampyon
nang walang talong si Moorer ay pinalamon
ng alikabok, pangalawa nang sinturon
yaon makalipas ang dalawampung taon

tulad niya, sumubok kahit matanda na
nagbalik matapos ang dalawang dekada
kahit kasabayan ay tapos na ang era
Muhammad Ali, Joe Frazier, retirado na
huwag matakot sumubok, ika nga niya

- gregoriovbituinjr.
12.20.2022

Bato sa sapatos

BATO SA SAPATOS

kampyon siyang kilala sa sandaigdigan
nang kanyang binato'y isang palaisipan:
"di mga bundok ang sanhi ng pagkaupos
kundi ang mga bato sa iyong sapatos"

huwag mo lang tingnan ang panlabas na anyo
kundi pati kaloobang di sumusuko
huwag kang humusga batay lang sa nakita
taong mukhang malakas ay bakit tumumba

marahil danas niya ito sa pagtakbo
bahagi ng pagsasanay upang manalo
huwag sisisihin ang bundok na kaytayog
baka di mo dapat akyatin at mahamog

salamat sa tinuran mo, Muhammad Ali
kaya idolo kang talaga ng marami
kaygandang palaisipang isinalaysay
upang makamit din ang asam na tagumpay

- gregoriovbituinjr.
12.20.2022

Tuloy ang paglaban

TULOY ANG PAGLABAN

"lahat tayo'y may kanya-kanyang laban
sa buhay, magpatuloy lang sa laban"
ayon kay Tyson sa isang panayam
na kadalasan na ring panuntunan
ng masa't napagsasamantalahan

kahit sa paghahanap ng hustisya
na napagod man ay walang pahinga
basta't di titigil at patuloy pa
sa walang humpay na pakikibaka
upang kamtin ang asam na hustisya

patuloy ang pakikipagtunggali
upang baguhin ang buhay na sawi
upang palitan ang sistemang imbi
upang maiwasto ang mga mali
upang mapaghilom ang iwa't hapdi

kung sakali mang tayo'y nagigipit
dahil sa mapagsamantala't pangit
at naririnig mo ang bawat impit
subukang magtulungan kahit saglit
nang matamo ang tagumpay at langit

- gregoriovbituinjr.
12.20.2022

Ang payo ng ina ni Evander

ANG PAYO NG INA NI EVANDER

natalo siya sa unang laban
at agad bumitiw sa koponan
at pinabalik siya ng ina
dahil di nagpalaki si nanay
ng bumibitiw o palasuko

pangalwang laban, natalo muli
sa koponan ay agad bumitiw
ngunit agad siyang pinabalik
ng kanyang ina't lumaban uli
ayaw nitong anak ay bibitiw

payo ng ina, huwag susuko
tuloy ang laban, agad humayo
nang maglaon, siya na'y nagkampyon
ang payo ng ina'y naging hamon
upang matupad ang nasa't misyon

talagang sa anak gumagabay
tungong kinabukasan ang nanay
ang mga payo niya'y patnubay
upang kamtin natin ang tagumpay
sa lahat ng ina, PAGPUPUGAY!

- gregoriovbituinjr.
12.20.2022