Linggo, Pebrero 11, 2024

Wisit at Lamo

WISIT AT LAMO

WISIT pala'y MASKOT, LAMO naman ay BALSA
sa krosword ko lang ito nalaman talaga
parehong pahalang ang mga nabanggit na
lumang salitang ngayon ay magagamit pa

buti't natagpuan ang kahulugan nito
dahil sa Tanong Pababa na nasagot ko
NAWAWALA ay LIGAW, dito'y tugong wasto
sa WISIT at LAMO'y nag-ugnay na totoo

ang WISIT ay Tsino, Tagalog, Kapampangan
ito'y hinggil sa tao, hayop o bagay man
na nagbibigay ng mabuting kapalaran
at ito rin pala'y MASKOT ang kahulugan

Kapampangan at Tagalog naman ang LAMO
na marahil sa eskwela'y di naituro
BALSA pala ito, salitang bagong hango
sa krosword na sinagot ng buong pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
02.11.2024

* wisit, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.1337
* lamo, mula sa UPDF, p.669

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 11, 2024, p.10

Pusong malaya, pusang malaya

PUSONG MALAYA, PUSANG MALAYA

naroon, isang kuting at isang pusang malaya
habang dalawa naman ang nakapiit na pusa
ang mga malaya, sa pagkain silang bahala
sadyang kumakayod upang makahuli ng daga

ang mga nakapiit ay bibigyan ng pagkain
upang sa gayon silang dalawa'y di gugutumin
may rasyon kada araw, kapara'y preso sa hardin
napiit ba sila't may kinalmot, ginawang krimen?

subalit di ko alam ang kanilang kasaysayan
sapagkat nakita lang sila sa isang tanggapan
hingi ay pagkain, maaamo, kaysarap masdan
ngunit di kilala upang ilabas sa kulungan

may pagkain nga, ngunit di makahuli ng daga
di magandang nasa hawla lalo't sila'y alaga
puso'y ngumangawa, walang laya, di makagala
tanging nasabi mo'y "kaysarap ng buhay sa laya"

- gregoriovbituinjr.
02.11.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/765989871643319

Ang bilin ng boteng plastik

ANG BILIN NG BOTENG PLASTIK

i-resiklo mo ako, anang bote
na sa kanyang katawan ay mensahe
aba'y kayganda ng kanyang sinabi
lalo't ito'y iyong iniintindi

boteng plastik na gustong ma-resiklo
gayong dapat di na bumili nito
subalit pag nauhaw na ang tao
bibilhin ang tubig at boteng ito

dangan nga lamang, tambak ang basura
plastik ay naglipana sa kalsada
o sa ilog ay naglutangan sila
o baka sa laot ay kayrami pa

i-resiklo ang mga boteng plastik
sa pabrikang gumawa ba'y ibalik?
kung hindi, kung saan lang isisiksik
kaya sa plastik, mundo'y tumitirik

- gregoriovbituinjr.
02.10.2024