Sabado, Enero 7, 2023

Samakatuwid


SAMAKATUWID

"Therefore" is a word the poet must not know. (Ang "samakatuwid" ay isang salitang di dapat mabatid ng makata.) ~ André Gide

makata'y di raw dapat batid
ang salitang "samakatuwid"
tutula mang sala-salabid
ang salita'y di nauumid

mga paksa'y mailarawan
may talinghaga't kainaman
di man agad maunawaan
ay mula sa puso't isipan

anong dahilan, bakit kaya
nabigkas iyon ng makata
nasabi ba niyang may tuwa
o habang siya'y lumuluha

samakatuwid nga ba'y ano
kaparehas ng "dahil dito"
"alipala", at "bunga nito"
"alalaong baga", at "ergo"

tula ba'y may pilosopiya
o ekspresyon lang ng pandama
sa tula'y magpatuloy kita
sa ating mga sapantaha

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

* Si André Gide, (Nobyembre 22, 1869 - Pebrero 19, 1951, Paris), manunulat na Pranses, at ginawaran ng Nobel Prize for Literature noong 1947 .

Hustisya?


HUSTISYA?

ulat na ganito'y karaniwan na lamang
ngunit di dapat ito'y maging karaniwan
dapat bang "hustisya'y para lang sa mayaman"?
hindi, sapagkat ito'y di makatarungan!

pag mayaman, nakakaligtas sa hustisya
pag mahirap, sa piitan mabubulok na
sa bansa, hustisya ba'y ganyan ang sistema?
para kang bago ng bago, ganyan talaga?!

ngunit di iyan dapat maging ordinaryo
di dapat tanggapin ng karaniwang tao
pag mayaman ang may kasalanan, abswelto
pag mahirap, taon-taon sa kalaboso

pag ang ganyang sistema'y atin nang tinanggap
sa hustisya ba'y aasa pa ang mahirap?
ang ganitong sistema'y sadyang mapagpanggap
na sa mayayaman lang sadyang lumilingap

kaya may dahilan tayong nakikibaka
upang baguhin na ang bulok na sistema
na lipunang patas ay itayo talaga
na umiiral ang panlipunang hustisya!

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

Kape


KAPE

maginaw na umaga'y
salubunging kayganda
at agad magtitimpla
nitong kape sa tasa

pagkakape na'y ritwal
bago pa mag-almusal
nang sa gawa'y tumagal
at di babagal-bagal

kailangang bumangon
kikilos pang maghapon
tarang magkape ngayon
bago gawin ang layon

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023