Lunes, Mayo 22, 2023

Isang tagay para kay Bruce Lee

ISANG TAGAY PARA KAY BRUCE LEE

tara, idol Bruce Lee, tagay tayo
ikaw na master ng wing chun kung fu
at nag-imbento rin ng jeet kune do
kami rito sa iyo'y saludo

minsan naman, mag-ensayo tayo
upang matuto kami sa iyo
ang wing chun kung fu ba'y papaano
pati turo ni Ip Man, guro mo

napanood ko'y Way of the Dragon
si Chuck Norris ang kalaban doon
kaygaling mo sa Enter the Dragon
pati sa Fist of Fury mo noon

napanood ko rin ang The Big Boss
kung saan kalaban mo'y inubos
ang Game of Death ay di mo natapos
sa limang film mo, mabuhay ka, Bruce!

muli, Ka Bruce, tayo nang tumagay
pag kasama mo si Doc Ben, kampay
ako't taasnoong nagpupugay
mabuhay ka, O, Bruce LeeMABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

* litrato mula sa google

Yantok

YANTOK

binebenta ang matigas na yantok sa palengke
iniisip kong kahit dalawa nito'y bumili
at magpraktis muli ng arnis sa araw at gabi
pag-eensayo'y pampalakas ng katawan, sabi

sa istoryang Mulawin, gamit ito ng may bagwis
laban sa mga Ravena, gagamiting mabilis
kay Sangre Danaya na magaling naman sa arnis
sa Engkantadya, ang tawag nila rito'y balangis

arnis ay lokal na martial art o sining panlaban
na itinuturo sa pampublikong paaralan
kahit tanod ng barangay, ito'y pinag-aralan
bilang pandepensa sa mga gago at haragan

bagamat di ko naitanong magkano ang yantok
maganda nang mayroon nito, ang aking naarok
kung magkabiglaan, may kukunin kang nakasuksok
sa bahay upang makadepensa kung may pagsubok

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

Thesis ng dukha sa Taliba ng Maralita

THESIS NG DUKHA SA TALIBA NG MARALITA

wala tayo sa akademya ngunit nag-aakda
ng samutsaring sanaysay, balita, kwento't tula
thesis sa mahalagang paksa'y pilit ginagawa
kaya nga meron tayong Taliba ng Maralita

na pahayagan ng dukha sa ilang komunidad
upang kahit mahirap, ipakitang may dignidad
ang thesis o pagsusuri ng dukha'y mailantad
kung bakit ba buhay nila sa mundo'y di umusad

hangga't may Taliba ng Maralita'y magpatuloy
sa pakikibaka, ang duyan man ay di maugoy
nagtitiyaga upang di malubog sa kumunoy
ng hirap na dulot ng tusong pakuya-kuyakoy

Taliba'y saksi sa bawat patak ng dugo't pawis
ng manggagawa't dukhang patuloy na nagtitiis
dito nilalathala ang kasaysayan at thesis
kung paanong manggagawa't dukha'y magbigkis-bigkis

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na nalalathala ng dalawang beses kada buwan

Bilin ng inang pusa sa panganay

BILIN NG INANG PUSA SA PANGANAY

bilin ng inang pusa'y agad pinabatid
sa panganay, mahalagang mensahe'y hatid:
"Huwag mong pabayaan ang magkakapatid!
Huwag hayaang sila't kung saan mabulid!"

ang bilin ng ina'y talagang tinandaan
ng panganay upang kanyang pangalagaan
ang natitirang mga kuting sa bakuran
lalo na't madalas maglaro sa lansangan

(inang pusa'y umalis habang binibidyo
sa kanila raw bakit ako nag-usyoso)

sa akin bilang ikalawa sa panganay
sa apat pang batang kapatid ay nagbantay
hanggang sa tahanan ako na'y napawalay
upang tupdin ang ibang tungkulin ng husay

sa tao't sa pusa man, ang payo ng ina
ay sadyang para sa kabutihan talaga
payo ng ina'y bigyang pagpapahalaga
batid na tayo'y laging nasa puso niya

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kGAkzm01gT/

Ang tula

ANG TULA

"Poetry is not only what I do, it’s who I am." ~ Anonymous

nakagisnan ko't kinagiliwan
ang pagbabasa ng panitikan
lalo na ang mga kathang tula
na nanunuot sa puso't diwa
noon pa ay Florante at Laura
ngayon ay Orozman at Zafira
kay Batute'y Sa Dakong Silangan
Ang Mga Anak-Dalita'y nandyan
kay Shakespeare, mga likhang soneto
tulang Raven ni Edgar Allan Poe
tula'y di lang gawain kong tunay
kundi ako rin ang tula't tulay
sa mga alon ng karagatan
at mga luha ng kalumbayan

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023