NILAY SA ISANG PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
alin sa dalawa'y nauna: trabaho o sweldo?
tiyak ang sagot dito'y batid ng mga obrero
pagkat alam nila ang galaw ng kapitalismo
di maaring mauna ang kalesa sa kabayo
kahit gutom ka'y trabaho yaong dapat unahin
di maaring bumale ang baguhan sa gawain
baka dapat pagtiwalaan ka munang malalim
bago sisiw ay palimliman sa ibang inahin
nagsisipag sa trabaho, laging kayod-kalabaw
anumang trabaho'y gagawin kahit di malinaw
kung may benepisyo ba, magkano ang bawat araw?
ramdam ba sa sarili'y isang makinang bakulaw?
ilang buwan lamang ang pagkamada mo ng kahon
o pagsuksok ng bawat pyesa sa produktong iyon
sadyang kayhirap umalis pag may pinalalamon
sadyang kayhirap lumipat pag sa utang ay baón
lakas-paggawa'y binarat na, di pa makaangal
di pa makapagtayo ng unyon silang kontraktwal
kayod kalabaw na'y madalas pang hingal ng hingal
mahalin daw yaong trabaho upang makatagal
mga biktima ng kontraktwalisasyon, halina
ang maging regular ay pangarapin sa tuwina
magkaisa kayo't magsianyong tila balyena
kalakaran ay palitan ng matinong sistema