Lunes, Mayo 26, 2014

Ang sanhi ng ating kahirapan

ANG SANHI NG ATING KAHIRAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"If the misery of the poor be caused not by the laws of nature, but by our institutions, great is our sin." ~ Charles Darwin

bakit isinilang na mahirap ang mahihirap?
sila bang mga dukha'y hindi marunong mangarap?
dahil naghihirap dapat ba silang nililingap?
kaginhawaan ba'y kailan nila malalasap?

mahihirap ba'y isinilang upang maging banal?
maging dukha'y mapalad, iba'y ganito ang usal
tila mali itong paniwala nila’t pangaral
siphayo’t dusa ang danas ng dukhang nagpapagal

mapalad ang maging dukha, ang sabi daw ng pari
huwag galawin ang kinamal nilang pag-aari
magdasal kayo habang lupa nyo'y kanilang mithi
don at donya'y dumami, katutubo'y inaglahi

kung naging mahirap kayo gawa ng kalikasan
iyon naman ay madali nating maunawaan
binagyo, dinelubyo, tinangay yaong tahanan
binaha't nangasira ang anuman nilang yaman

ngunit kung inagawan ng karapatan ang dukha
masasabi pa kaya nilang dukha'y pinagpala?
lupaing ninuno'y inagaw sa nagdaralita
ari ng isang tao ang ekta-ektaryang lupa

kaya makatuwiran ba ang ganitong pag-angkin?
ito'y di makatao, dukha'y nagtila alipin
upang mapawi ang hirap ng kapwa tao natin
kailangang ang pag-aaring pribado'y pawiin

gumagawa'y dapat magkaisa't iisang uri
ang yaman ng lipunan ay dapat nilang mabawi
agawin sa kamay nitong burgesyang naghahari
at pribadong pag-aari'y dapat nilang mapawi

ito na lang ang paraan nang wala nang maghirap
yaman ng lipunan ay bawiin sa mapagpanggap
pantay na ipamahagi sa lahat ng mahirap
upang lipunang makatao'y atin nang malasap