ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
sa Kentex, wala pang pangalan ang mga namatay
sinu-sino silang mga nangasunog ng buhay
mga pangalan nila'y sinong makapagbibigay
anong pangalan noong pitumpu't dalawang bangkay
mga manggagawang nawalan ng kinabukasan
silang may pangarap ngunit ngayon ay tinangisan
silang obrerong dapat makilala nitong bayan
na bawat puntod ay dapat malagyan ng pangalan
kaiba sa mga pulis na SAF na nangasawi
may pangalan ang mga iyon, at nananatili
kinilala ng marami, bayan ay namighati
sa naiwang pamilya, ramdam ng bayan ang hapdi
manggagawa'y nasawi sa apoy, at di sa bala
nagtrabaho sila para buhayin ang pamilya
dapat batid ng bayan ang mga pangalan nila
pagkat sila'y kapwa tao, di lang estadistika
pagpugayan natin ang mga nasawing obrero
lalo ang mga kontraktwal na walang benepisyo
silang mga nagtiis sa kakarampot na sweldo
silang binuhay ang pamilya't nagtiis ng todo
napakapayak na hiling ang ipinahiwatig
na mga pangalan nila'y makilala't marinig
mga bayaning obrerong di dapat nalulupig
ng sistemang itong dapat palitan at mausig