KUWITIB SA PUSOD NG DUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
sa bawat pusikit ng ating takipsilim
lumalaginit sa puso yaong panimdim
animo di maarok ang balong kaylalim
na pinaglalaruan ng kampon ng lagim
sa bawat takipsilim sa ating lipunan
may bukangliwayway kayang maaasahan
may kamtin kaya sa patuloy na paglaban
o dadapurakin na lang ng kabiguan
lalambi-lambitin sa diwa ang pangarap
habang mga inakay ay siyap ng siyap
masarap na pandesal kaya'y malalanghap
sa pagitan ng karukhaang nalalasap
araw-gabi pa rin tayong nakikibaka
tila baga kuwitib sa pusod ng dusa
kahit lumbay sa puso'y laging nakaamba
umaasang daratal pa rin ang umaga
* kuwitib = pulang langgam na masakit mangagat