Lunes, Oktubre 12, 2020

Sa pagwawalis ng kalat

marapat talagang walisan ang ating paligid
upang mawala na ang mga layak at ligalig
itapon yaong wala nang pakinabang at yagit
pati kalat sa ating loob na dapat malupig

oo, dapat ding luminis ang isip sa nagkalat
na mga katiwaliang sa bansa'y nagwawarat
ungkatin pati basura nilang di madalumat 
upang mandarambong ay di lang basta makasibat

ibukod mo ang nabubulok sa di nabubulok
tiyaking maitapon din ang namumunong bugok
magwalis, huwag magsunog, ng nakasusulasok
bakasakaling mapalis pati sistemang bulok

walis tinting o tambo man ang gamitin mong sukat
halina't magwalis ng basurang pakalat-kalat
at baka may mapulot na dapat maisiwalat
mausig ng bayan ang katiwaliang naungkat

- gregoriovbituinjr.

Sa silong ng ating pangarap

minsan, nasa silong lang tayo ng ating pangarap
na animo'y di mabata ang kirot na nalasap
pagkat nasadlak sa mundong kayraming mapagpanggap
na di natin batid anong laging inaapuhap

kinaya nating tiisin anumang dusa't hirap
sila pa kayang naturingang mabuting kausap
lalo't nagpadala tayo sa dilang masasarap
na sa puso natin animo'y magandang lumingap

gawin ang dapat, patuloy tayong magpakatao
at laging tanganan ang adhikain at prinsipyo
di tayo patitinag sa mga gawang perwisyo
nadapa man ay tatayo't tatayo pa rin tayo

titindig tayo upang gawin ang nasasaisip
habang pilit inuunawa ang di natin malirip
na naroong palutang-lutang sa ating pag-idlip
na silong man ay bahain, may buhay pang nasagip

- gregoriovbituinjr.

Ang pagsukat sa bilog

Pi = 3.14159268...

sa ating paligid ay payak na sukat ang bilog
na sa palibot ay mapapansing pantay ang hubog
iba sa obalong pahaba, kaygandang anyubog
kaylaki nang tulong tulad ng gulong sa pag-inog

ang pagsukat ba ng bilog na iyan ay paano
ang radyus at diyametro nito'y masusukat mo
ang haba sa pagitan ng bilog ay diyametro
tinatawag namang radyus ay kalahati nito

sukat ng palibot ng bilog ay sirkumperensya
ang pi ay griyegong titik na sukat na pormula
halimbawa'y sa bilog susukatin mo ang erya
pi tayms radyus iskwer, pormula'y kabisaduhin na

ito'y iyong matatagpuan sa paksang dyometri
at pag-aralan mo rin ano ang trigonometri
mga paksang nagsusukat kaya dulo'y may metri
aralin lalo't kukuha ng indyinering dini

pag-aralan mo muna ang pangunahing batayan
bago mga abanteng paksa'y iyong mapuntahan
marami pa akong gagawing tulang pangsipnayan
ngunit dapat pang magsaliksik ang makatang turan

- gregoriovbituinjr.


Ang mga cactus na parang terra cotta warriors

nilagay sa sanga ng dragonprut ang mga cactus
nahahilera silang animo'y kawal na lubos
animo'y terra cotta warriors ang pagkakaayos
na kung may labanan ay di mo basta mauubos

O, kaygandang pagmasdan ng mga cactus na iyon
sa pabula nga'y mapagsasalita sila roon
na pawang mga mandirigmang naligaw lang doon
di upang lumaban kundi magpahinga't limayon

napakaayos ng kanilang pagkakahilera
bagamat mga cactus ay di naman namumunga
mahal man pag binili'y maganda naman sa mata
animo sa iyong bahay ay may mga bantay ka

mga mandirigmang cactus, huwag munang sumugod
alamin muna anong isyung itinataguyod
karapatan ba ng kapwa'y sasagasaang lugod
kung walang katuturan ay huwag magpakapagod

- gregoriovbituinjr.

* kuha ang mga litrato sa Living Gifts Nursery na hardin ng samutsaring cactus sa Barangay Alno, La Trinidad, Benguet, 10.10.2020