ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
kaygaling sa pagpaplano ngunit salawá pala
ang pinamumunuan nila'y ito ang napuna
kayraming tungkulin sa balikat, kayraming tsapa
sa dulo'y di nagawa ang trabahong tangan nila
anang nagplano, diyan at doon akong bahala
pati na rito nang magandang resulta'y mapala
nang matapos ang taon, nakamit ba ang adhika
nang magtasa'y nakitang wala rin palang nagawa
anong nangyari sa proyekto, kayrami ng gastos
tila nalugi pa sila nang pinansya’y tinuos
di mabatid bakit asam na resulta'y kinapos
kasalanan bang umako nang di kayang matapos
iyan ang nangyayari pag salawá ang gumanap
ng mga tungkuling di pala magampanang ganap
sayang ang panahon, talino, pera, pagsisikap
saan na kaya patutungo ang pinapangarap
* SALAWÁ - may ugaling umaakò ng maraming tungkulin ngunit walang nagagawâ (mula sa UP Diksyunaryong Filipino, pahina 1086)
* NINGAS-KUGON - gawain o proyektong hindi nagtatagal; sa simula lamang masikhay o masipag o pagnanais na panandalian (UPDF, p. 821)