Linggo, Oktubre 18, 2020

Ilang hibik

sa diwatang minumutya, sa musa ng panitik
sa isang dilag na kapara'y rosas na matinik
bakit ang pangalan mo sa puso ko'y natititik
ako'y gawaran mo ng nakasasabik mong halik

sa basurerong di pa gumagawa ng ekobrik
ano nang ating gagawin sa sangkaterbang plastik
sa laot na malalim nga't sa bundok na matarik
naroroong ang mga plastik ay nagsusumiksik

minsan sa aking pag-iisa'y laging bumabarik
hanggang sa kalasingan ang aking mata'y tumirik
mabuti't ako'y nasa bahay lang, biglang hihilik
nasa upuan na lang pagkat di na makapanhik

maraming katiwaliang nakapaghihimagsik
kaya aralin ang isyu't huwag patumpik-tumpik
para sa panlipunang hustisya'y dapat umimik
at labanan ang dahas na kanilang inihasik

- gregoriovbituinjr.

Pagsalansan ng salita

kayraming mga salitang di basta maaninag
ang bola'y bilog, kaya ba binobola ang dilag?
tutungo ka bang nakatungo sa daang di hayag?
iyang pagtaklob ba sa taklobo ay may paglabag?

pag ako ba'y nagpatawa, ako ba'y patawa rin?
matutuwa ka ba kung ikaw ay patutuwarin?
pag ako ba'y nagkasala, ako na ba'y salarin?
ang pusa bang nangalmot ay pusakal kung tawagin?

iba ang tubo na pinanggalingan ng asukal
iba ang tubo na inasam ng nangangapital
iba ang tubo ng gripo, posonegro't imburnal
iba ang tubo ng tanim at punong matatagal

ang makata'y nag-iisip, kawa, kawal, kawali
kung sakaling maiinip, pala, palag, palagi
na sa puso'y halukipkip, saka, sakal, sakali
bawat tula'y makasagip, baha, bahag, bahagi

matatagpuan mo ba sa diwa ang haka't katha
nadarama ba ng puso mo ang halik ko't likha
minsan nga'y di mawaring tutula akong tulala
nagkakaganyan ba pagkat makatha ang makata

- gregoriovbituinjr.

Ang kaibhan ng poetry at poem

"...but it is only the study not of poetry but of poems, that can train our ear." - T. S. Eliot
- mula sa aklat na Selected Prose of T. s. Eliot, p.108

tanong: anong kaibahan ng poem at poetry?
masagot kaya ito ng makatang nagmumuni?
kay T. S. Eliot ay ito ang kanyang sinabi
na sa akin nama'y kariktang nakabibighani

poetry ba pag inalayan siya ng bulaklak?
pagkat sa kanyang kariktan ako'y napapalatak?
poem na ba pag tinulad ko siya sa bulaklak?
siya'y rosas na matinik ngunit iindak-indaK?

susuriin mo di lang ang katitikan ng tula
di lang paano ito isinulat ng makata
susuriin mo'y nakapaloob na talinghaga
paano tumagos sa puso yaring parikala

paano kung sa sariling wika ito isalin
ang poetry ay tula, at ang poem ay tula rin
minsan ang tula'y tulay upang mutya'y pasagutin
kaya tula'y kaysarap unawain at namnamin

- gregoriovbituinjr.