Linggo, Agosto 10, 2025

Low carb diet

LOW CARB DIET

sinimulan ang low carb, walang kanin
ito na ngayon ang aking layunin
mataas na sugar ay pababain
isda't lunting gulay ang kakainin

pangalagaan na ang kalusugan
nang malayo sa sakit o anuman
ang kaunting gastos ay kainaman
dapat nang palakasin ang katawan

sino pa bang tutulong sa sarili
upang sa malaon ay di magsisi
pangangatawan ay dapat bumuti
upang isip at loob ay kampante

salamat sa inyong mga pinayo
nang umayos ang asukal at dugo
salamat at ako'y inyong nahango
sa paglublob sa putik ng siphayo

- gregoriovbituinjr.
08.10.2025

Si alaga

SI ALAGA

paikot-ikot muli
sa aking mga binti
pag ako'y nakikita
at kanyang binisita

ganyan lang si alaga
palaro-larong sadya
balahibo'y kiniskis
naman sa aking kutis

di ko tinatanggalan
ang galunggong ng hasang
at bituka, iprito
ng ganoon, totoo

kahit paano'y lutô
iyon kapag hinangò
ang tira ko sa isdà
pagkain ni alagà

- gregoriovbituinjr.
08.10.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19L24HdqAb/ 

Panamà at pamana

PANAMÀ AT PAMANA

anong panamà ng aking tulâ
sa pamana ng laksang gunitâ
alaala ng maraming sigwâ
sa isip ko'y madalas makathâ

may panamà ang bawat pamana
tula'y tulay nitong alaala
buti't ang diwa'y di nagbabara
di tulad ng kanal ng basura

sa kabila ng mga pasanin
ay patuloy pa rin ang lakbayin
kinabukasan ay iisipin
pangarap pa ring layon ay kamtin

sa dibdib ko'y laging naroroon
ang nawalang sinta't aking misyon
sa buhay, sa uri, at sa nasyon
kaya patuloy sa nilalayon

- gregoriovbituinjr.
08.10.2025