Linggo, Hulyo 17, 2022

Tagaiku

TAGAIKU

nais kong kathain ay TAGAIKU
animo'y kalahating soneto
ah, kaygandang kumbinasyon nito
pinagsama ang TAnaGA't haIKU

tanaga'y tigpipito ng pantig
sa saknong ay magkakapitbisig
haiku'y lima-pito-limang pantig

puntirya ko'y bulok na sistema
tinitira'y tuso't palamara
paksa't pangarap para sa masa'y
kamtin ang panlipunang hustisya

halina't subukang mag-TAGAIKU
at ilatag ang angking prinsipyo
habang tayo pa'y nasa huwisyo

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Hustisya

HUSTISYA

"For me, justice is the first condition of humanity." - Literature laureate Wole Soyinka 

bakit nga ba ang katarungan
ay dapat nating ipaglaban ?
ayon nga kay Wole Soyinka
hustisya ang unang kondisyon
ng sangkatauhan, O, bayan

makahulugan, anong talim
ipaglaban nating taimtim
makasugat man ng damdamin
ay kaygandang salawikain

kaya kami nakikibaka
tibak akong nakikibaka
upang masa, hustisya'y kamtin
upang pang-aapi'y mawala 
at mapanagot ang maysala

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Lanta

LANTA

kung ako'y dahon nang nalalanta
matatanggal na ako sa sanga
katandaan ay narating ko na
matatapos na yaring pagbaka

sinubukan noon ng amihang
ako'y tanggalin sa kinalagyan
kaytibay ko sa pinagkapitang
sanga't talaga ngang nanindigan 

kay Inang Kalikasan ay dahong
nakipagtagalan sa panahon 
ako'y dahong nakibaka noon
na pagkalanta'y inabot ngayon

hintay na lang matanggal sa tangkay
upang sa lupa na'y humingalay
pagkalanta ko'y 'wag ikalumbay
at may uusbong ding bagong buhay

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022