Biyernes, Mayo 9, 2025

Kay-agang nawala ni Maliya Masongsong, 4

KAY-AGANG NAWALA NI MALIYA MASONGSONG, 4

kay-aga mong nawala, doon pa sa NAIA
dahil sa isang di inaasahang disgrasya
amang paalis ay hinatid lang ng pamilya
ngunit nabangga kayo ng isang sasakyan pa

"Anak ko iyan! Anak ko 'yung nasa ilalim!"
sigaw ng ama, si Maliya'y napailalim
sa itim na Ford Everest, sadyang anong lagim
na sa puso'y nakasusugat ng anong lalim

sadyang nakaiiyak ang ganitong nangyari
di mo mawaring magaganap ang aksidente
si Maliya ay tiyak may pangarap paglaki
ngunit wala nang lahat iyon, aking namuni

ang tsuper ay hawak na ng kapulisan ngayon
subalit sa pagninilay, kayrami kong tanong:
paano ba maiiwasan ang nangyaring iyon?
anong sistemang marapat? anong tamang aksyon?

nang di na mangyari ang maagang pagkawala
ng buhay, tulad ni Maliya, nakaluluha
kung anak ko siya, ang dibdib ko'y magigiba
sa ganyan, kalooban ninuman ay di handa

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Mayo 6, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Garapalan sa halalan

GARAPALAN SA HALALAN

dalawang komiks istrip mula sa
pahayagang kilala ng masa
na naglalarawan sa halalan
at sa kandidato't dinastiya
sa kampanyahang garapalan na

pawang magaling mag-analisa
yaong sumulat at dibuhista
hinggil sa parating na eleksyon
di raw boboto sa magnanakaw
kundi sa nagbigay ng ayuda

pawang mga patama talaga
sa pulitiko't sa pulitika
kaya dapat nang may pagbabago
upang magkaroon ng hustisya
ang masa't mabago ang sistema

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* komiks na may petsang Mayo 8, 2025 mula sa pahayagang Remate, p.3, at Bulgar, p,5 

Saplad at lantod

SAPLAD AT LANTOD

sa diksyunaryong Ingles-Tagalog nakita
na ang salin nitong dam ay prinsa o saplad
nakasalubong muli sa palaisipan
kaya agad nasagutan ang hinahanap

lantod naman ay narinig ko sa probinsya
ni ama, na singkahulugan pala'y landi
kaya sa palaisipan ay madali na
nasagot na nang walang pag-aatubili

mga payak na salita ito kahapon
na nahalukay muli sa matandang balon
ng kaalaman, magagamit muli ngayon
sa mga tula, kwento, sanaysay at layon

pawang salitang di mo sukat akalain
na bigla na lang lilitaw sa harap natin
patunay na walang luma kung gagamitin
tulad ng makatang ang tula'y tulay man din

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* krosword mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 8, 2025, p.9