Miyerkules, Abril 22, 2020

Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat

Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat

kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat?
kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat
kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat?

kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit
kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit
kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit
kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit

kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay?
kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay
kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay
kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisay

kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop
kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop?
kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop
kultura'y ating linangin nang di basta masakop

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan

Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan

kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19
kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain
kasado rin tayong kumilos upang di gutumin
kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin

kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos
kasapi tayo nitong lipunang binubusabos
kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos
kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos

kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari
kasakiman nila sa tubo'y pinananatili
kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari
kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri

kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka
kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa
kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala
kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin
(Abril 22, 1970 - Enero 21, 1924)

sa pangsandaan limampung kaarawan ni Lenin
halina't siyang taas-kamaong batiin
tunay siyang inspirasyon ng rebolusyon natin
pinuno ng Bolshevik, bayaning tunay, magiting

mga aral niya't sulatin ay ating balikan
kunan natin ng aral ang kanilang kasaysayan
paano nanalo sa Tsar at mga gahaman?
anong niyakap nilang prinsipyo't paninindigan?

nagtagumpay sila kasama ang obrero't masa
dahil sa kanya, ang prinsipyo'y di na lang Marxista
Marxismo'y sinabuhay, pinaunlad ang teorya
kaya yumakap doon ay Marxista- Leninista

mabuhay ka, Vladimir Lenin, mabuhay! Mabuhay!
inorganisa'y Bolshevik, proletaryo'y kaugnay
para sa uring manggagawa, buhay ay inalay
sa iyong kaarawan, taospusong pagpupugay!

- gregbituinjr.
04.22.2020

Tula sa Earth Day 2020

Tula sa Earth Day 2020

Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.

Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.

- gregbituinjr.
04.22.2020

Maitim man ang balat

huwag mong hanapin sa akin ang di naman ako
isang taong mayaman, may negosyo, nakapolo
huwag mong hanapin sa akin ang maputing tao
gayong sa simula pa'y alam mong maitim ako
maitim ang balat, di ang budhi o pagkatao

ayaw mong mag-isip ako't sa bayan makialam?
tula'y nang-aagaw ba ng pagsintang di maparam?
imomolde mo ba ako sa iyong inaasam?
papuputiin mo ang kayumangging kaligatan?
babaguhin mo rin ba ang buo kong katauhan?

ako'y aktibistang nais mong maging negosyante
di problema kung nais mong ako'y mukhang disente
ngunit puso't diwa ko ba'y susunod sa diskarte?
mula sa mabuting tibak ay magiging salbahe?
pagkatao'y wala na't sa iba na magsisilbi?

ang maglingkod sa burgesya't kapitalista'y ano?
magpaalipin dahil lang sa karampot na sweldo?
winasak ko lamang ang prinsipyo ko't pagkatao
pag tuluyang nangyari iyan, nakapanlulumo
di na ako ang ako, pagkat pinaslang na ako

- gregbituinjr.