Linggo, Nobyembre 9, 2014

Pasasalamat sa lahat ng sumama sa Climate Walk

PASASALAMAT SA LAHAT NG SUMAMA SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taos-pusong pasasalamat sa lahat
na sa Climate Walk ay sumama't kabalikat
sa hirap at pagod, sa tuwang di masukat
magpatuloy, halina't ating ipagkalat
kahit munti man, nagtagumpay isiwalat
sa buong bayan ang adhikang Climate Justice
ang mga nasalanta'y di dapat magtiis
pamahalaan ay dapat gumampang mabiis
sa kanilang tungkulin, tiwali'y maalis
mga maling polisiya'y dapat mapalis
salamat sa mga sumama sa Climate Walk
di pa ito tapos, kayrami pa ang lugmok
sa Climate Justice dapat pa tayong tumutok
at ang mga grupo't bansa'y ating mahimok
sa panawagang Climate Justice na'y lumahok
prinsipyong tangan ng Climate walk ay yakapin
Climate Justice Now, patuloy nawang dinggin
nag-iisa lang naman ang daigdig natin
pag di kumilos, tao'y saan pupulutin
ipagpatuloy sa gawa ang adhikain

- sa barkong Little Ferry 2, 9:30 pm, habang nakaupo sa Sit # 191, at tumatahak mula Ormoc papuntang Cebu, Nobyembre 9, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Gunita

GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lumuluha ang awit, tila nabibikig
lumulutang sa hangin yaong angking himig
di masawata ang papalakas na tinig
na kanyang dama sa gabing iyong kaylamig

napaisip, sino ang sa bayan lulupig
sinong sa mga maysala'y dapat umusig
sa mga kaganapan, puso'y naaantig
ang mga namumuno ba'y handang makinig

kayraming buhay nang nangawala sa unos
ang ibang nakaligtas, ngayon na'y busabos
nawala lahat-lahat, naghirap ng lubos
pasakit na ito'y kailan matatapos

naganap bang iyon ay isang panaginip
hindi ba't siya'y isa sa mga nasagip
naligtasan niya ang disgrasyang gahanip
ngunit sa puso'y may sakit pang halukipkip

- madaling araw, sa UP Tacloban, Nobyembre 9, 2014, habang inaalala ang naganap na unos sa Tacloban, isang taon na ang nakararaan

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Panimdim

PANIMDIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

parating ang dagundong
naririnig ang ugong
saan tayo hahantong
tuloy ba sa kabaong

hinaharap ang lagim
sa bukas na kaydilim
iyo bang naaatim
kainin ng rimarim

pag ragasa’y tumahak
tahana’y nawawasak
gumagapang sa lusak
nabubuhay sa sindak

kailangang lumaban
mamatay sa paglaban
pakikibaka'y sundan
ito'y pagtagumpayan

ang paggamit ng lupa
dapat gawin ng tama
gawa man ng Bathala
dapat tayong maghanda

unos, nambubusabos
sistema'y nalalaos
solusyong kinakapos
ay dapat tinutuos

- sa UP Tacloban, Nobyembre 9, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda