KORTE NI NOYNOY AT GLORIA, WALANG PINAG-IBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang pagtatalaga ng punong mahistrado
ay tanggalin dapat sa kamay ng pangulo
upang ang bayan ay di magkagulo-gulo
ang pagtatalagang ito'y dapat mabago
kay Noynoy man o Gloria ang Korte Suprema
tiyak namang dito'y wala silang pinag-iba
bangayan lamang ng kampong Noynoy at Gloria
bayan pa rin ay patuloy na nagdurusa
pare-pareho silang iisa ang uri
pag ang suspek ay mayaman, minamadali
pag dukha ang suspek, pakialamang dili
kinikililingan ang kalansing ng salapi
kaya sa Korte, palakad ay baguhin na
dukha man o mayaman, dapat ang pasiya
di batay sa inog ng sistema ng pera
di batay sa uri kundi sa ebidensya
kaya ang nagaganap na impeachment ngayon
ay isang telenobela lang sa maghapon
bangayan ng isang uri ang tagpo doon
di makabusog sa dukhang konti ang lamon
kaya lahat ng natalagang mahistrado
ay dapat nang umalis sa kanilang pwesto
upang bigyang daan ang repormang totoo
na magtatalaga'y tao, di ang pangulo