TANAGA SA SONA 2020
may panibagong laban
muli ang sambayanan
isasabatas naman:
parusang kamatayan
na binanggit sa SONA
tila ba tayo’y nganga
tila balewala na
ang hustisya sa masa
niligaw tayong lubos
sapagkat paksa’y kapos
para bang nakaraos
walang coronavirus
gayong ito ang dapat
unahin at maungkat
o masyadong mabigat
kaya sa paksa’y nalingat
nasa isip ay tokhang
nitong pangulong halang
kaya bitay at pagpaslang
ang naisip ng hunghang
karapatang pantao’y
di na nirerespeto
tila ba ang gobyerno’y
buong sinakmal nito
kaya paghandaan din
ang labang susungin
hirap mang kalabanin
itong hari ng lagim
magkaisa ang dukha
at uring manggagawa
labanan ang kuhila
na dapat nang bumaba
tanaga - tulang may pitong pantig bawat taludtod
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 20.