HIGANTENG TULOG ANG URING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
1
Itong manggagawa ang mapagpalaya
Kapara’y higanteng tulog pa ang diwa
Na pag nagising maliligtas ang madla
Mula sa paninipsip ng mga linta.
2
Manggagawa ang bumubuhay sa madla
Ngunit bakit sila ang nagdaralita
Laging binabarat ang lakas-paggawa
Ng tinawag na hukbong mapagpalaya.
3
Manggagawa ang sa lipuna’y nagpala
Ngunit nabubuhay sa dusa at luha
Ngayo’y tulog pa ang uring manggagawa
At nagmimistulang higanteng kawawa.
4
Uring manggagawa’y isang dambuhala
Na nagpapagalaw sa mundo at bansa
At kung magigising ay kayang sumila
Sa lipunan, gobyerno, mundo at bansa.
5
Atin ngang suriin itong kalagayan
Ng ating bayan at ng pamahalaan
Lantarang tayo’y sakal sa lalamunan
Nitong mga kapitalistang gahaman.
6
Inangkin na nila likas nating yaman
Pabrika’t lupai’y inari din naman
Pati kababaya’y wala nang matirhan
At maralita’y ipinagtatabuyan
7
Itong kapitalista’y hamig ng hamig
Ng tubo sa pabrika, kuryente’t tubig
Bigas, langis, itong presyo’y kinakabig
Sino ba ang sa kanila’y mang-uusig?
8
Pinairal nila ang patong at lagay
Kaya sa kurakot maraming nasanay
Itong baya’y unti-unting pinapatay
Kalagayan nati’y nagmistulang bangkay.
9
Sa lipunan ngayo’y tubo ang batayan
Ng pag-iral sa mundo at kabuhayan
Kung sinong may malaking tubo’t puhunan
Ay kikilalaning makapangyarihan.
10
Pribadong pag-aari ng kasangkapan
Sa paggawa ng produksyon sa lipunan
Ang siyang dahilan nitong kahirapan
At pagpapasasa ng mga gahaman.
11
At balewala ang mga naghihirap
Pagkat walang mga pag-aaring ganap
Pag maralita ka’y di katanggap-tanggap
Sadyang di ka pag-uukulan ng lingap.
12
Pagkat ito’y sistemang kapitalismo
Na siyang nagdulot ng pagkatuliro
Sa mga obrero’t karaniwang tao
Sadyang mapanlamang ang sistemang ito.
13
Kayhimbing matulog ng kapitalista
Kahit alam nilang obrero’y gutom na
Ngunit pag nabawasan ang tubo nila
Munti man ang bawas ay nababalisa.
14
Kaya obrero’y pinanatiling himbing
Ng kapitalistang sa tubo ay sakim
Pagkat alam nilang pag ito’y nagising
Sila’y tuluyan na nitong ililibing.
15
At ang globalisasyo’y ginawang salik
Ng kapitalista’t gobyernong nagtalik
Upang manggagawa’y di na makaimik
At madurog ang diwang naghihimagsik.
16
Welga’t pag-uunyon ay agad sinakal
Pinatakarang sa puhuna’y sagabal
Kontraktwalisasyo’y agad pinairal
Pag pumalag, ang obrero’y matatanggal
17
Dapat maghimagsik na ang manggagawa
Magkaisa ang hukbong mapagpalaya
At sila’y maghanda sa pamamahala
Ng mga pabrika at ng bawat bansa.
18
Ating tandaang may dakilang tungkulin
Ang mga obrerong dapat niyang gawin
Siya’y may misyong ang sistema’y baguhin
At ang tanikala’y tuluyang lagutin
19
Kaya manggagawa’y dapat nang gisingin
Humayo tayo’t sila’y pakilusin
Ipaunawa ang dakilang layunin
Magpatuloy na sila’y organisahin.
20
Baguhin na ang naghaharing sistema
Na iilan lamang ang nagpapasasa
Habang milyon-milyon itong nagdurusa
Halina’t maghanda sa pakikibaka.
21
Pag ang manggagawa’y tuluyang nagising
Ang buong burgesya’y kanyang lulusawin
Bulok na sistema’y kanyang dudurugin
At doon sa kangkungan ay ililibing.
22
O, manggagawang may tungkuling matayog
Sa lumang sistema’y kayo ang dudurog
Sa bagong lipunan kayo ang huhubog
Kaya magbangon na, O, higanteng tulog!
23
O, manggagawa, kami’y pakinggan ninyo
Tanggalin na ang pag-aaring pribado
Nitong gamit sa paggawa ng produkto
Upang makinabang ang lahat ng tao.
24
Kaya gumising na kayo at magbangon
Harapin nyo ang makasaysayang hamon
Bagong sistema’y paghandaan na ngayon
At gampanang mahusay ang inyong misyon
25
Nasa inyo ang landas ng pagbabago
Hawakan na ninyong mahigpit ang maso
Durugin ang bagsik ng kapitalismo
At itayo ang lipunang sosyalismo.