HANGGA'T DI SENTENSYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
hangga't di sentensyado'y inosente pa rin sila
kailangang "beyond reasonable doubt" ang sentensya
ngunit sa dukha'y mayaman, ang batas ay kaiba
kulong agad ang dukha, mayaman ay malaya pa
"beyond reasonable doubt" dapat, sabi ng pangulo
nang kanyang alipores ay masangkot na sa gulo
ngunit pag oposisyon ang tinatadtad ng kaso
nais ng rehimeng maikulong na agad ito
sentensyado na sa masmidya ang inakusahan
ngunit akusado, sarili'y kayang depensahan
kaya pang magtalumpati sa harap nitong bayan
dahil di pa sila sinentensyahan ng hukuman
dukha'y kulong agad nang mang-umit ng kilong tuyo
walang "beyond reasonable doubt", sila na'y naluto
pag nang-umit sa kabang bayan ang trapong hunyango
sila pa'y inosente't dakila ang balatkayo
dapat pantay-pantay ang batas, dukha o mayaman
subalit hangga't kapitalismo pa ang lipunan
batas ay para lang sa mayaman at sa iilan
kaya pagbabago nitong sistema'y kailangan