Miyerkules, Marso 23, 2022

Punyal

PUNYAL

tahimik lang daw ako na para bang dalagang basal
kaya bakit tatanganan ang matalas na punyal
ng mga katagang baka makasugat ng dangal
subalit sa pagtula'y bakit daw napakadaldal

sadyang tunay, napakatahimik ng aking pluma
na madalas isulat ay pawang buntong-hininga
ng masang walang makapitan kundi mga sanga
ng isang punong tinawag nilang pakikibaka

ako'y nananahan sa mga sugat sa balikat
at binalikat ang mga sugatang nagsasalat
habang patuloy ang daloy ng dugong di maampat
nang manugat ang mga salitang sumasalungat

kumakapit man sa punyal ang masang nasa dilim
ay narito ang makatang nagbibigay ng lilim
sa mga dukhang ang sugat ay matagal nang lihim
na hayagang batid din ng trapong bulag at sakim

kayong kapit sa patalim, sa punyal, sa balaraw
magkapitbisig upang putlin ang gintong pamangaw
na pinulupot sa atin upang tayo'y maligaw
tayo'y magsikilos tungong paglaya balang araw

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Sama-samang pagkilos

SAMA-SAMANG PAGKILOS

may kakamtin din tayo sa sama-samang pagkilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
upang makaalpas sa buhay na kalunos-lunos
upang guminhawa ang buhay ng kapwa hikahos

walang manunubos o sinumang tagapagligtas
ang darating, kundi pagkilos, samang-samang lakas
maghintay man tayo, ilang taon man ang lumipas
kung di tayo kikilos, gutom at dahas ang danas

mga kapwa api, kumilos tayong sama-sama
at iwaksi na ang  mapagsamantalang sistema
kaya nating umunlad kahit wala ang burgesya
na sa masa'y deka-dekada nang nagsamantala

kapara nati'y halamang tumubo sa batuhan
na di man diniligan, nag-aruga'y kalikasan
tulad ng mga dahong sama-samang nagtubuan
kumilos tayo't baguhin ang abang kalagayan

sa sama-samang pagkilos, tagumpay ay kakamtin
ito'y katotohanang sa puso't diwa'y angkinin
dudurugin ang sistemang bulok, papalitan din
ng makataong lipunang pinapangarap natin

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Dagok

DAGOK

sumasagad ang dagok
sa masang nangalugmok
pagkat sistemang bulok
namayagpag sa tuktok

hawak man ng burgesya
sa kamay ang pistola
di magawa sa masa
ang pag-unlad na nasa

mapagpanggap na trapo
hunyangong pulitiko
kapitalistang tuso
donyang maluho't garbo

ang mga trapong bugok
sa bulsa nakasuksok
ng mayayamang hayok
sa perang di malunok

dukha'y sisinghap-singhap
buhay aandap-andap
kahit na nangangarap
makaalpas sa hirap

dagok sa pagkatao
ang sistemang ganito
pagkat walang prinsipyo
o pagpapakatao

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Paglalayag

PAGLALAYAG

ako'y naglayag sa nakaraan
baka mapulot ko'y kaalaman
at pinag-aralan ang lipunan
pati na ang ating kasaysayan

ano bang ginawa ng ninuno?
sa tinawag na lupang pangako?
sila ba sa dayo'y narahuyo?
mayroon bang lipunang pangako?

ako'y naglakbay sa nakalipas
upang hanapin ang mga bakas
ng mga pinunong pumarehas
at nangarap ng lipunang patas

ang bukas ba'y paano inukit
at hinanda ng may malasakit
anong kinabukasan ng paslit
sa sistemang laksa'y pinagkait

sa nakaraan ako'y naglayag
nakitang bayani'y nangabihag
buhay pa'y nilagot, di naduwag
landas natin, kanilang pinatag

nang bumalik sa kasalukuyan
pasya'y ituloy, kanilang laban
itayo ang patas na lipunan
at sistemang bulok ay palitan

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022

Kaalaman

KAALAMAN

bakit aaralin ang lipunan
at kalagayan ng kalikasan
anong nais nating matutunan
nang umunlad pa ang kasanayan

malaking tulong ang pagbabasa
at pakikipamuhay sa masa
batid ang isyu't problema nila
at dahilan ng pakikibaka

kahit pa tumatanda na tayo
mag-aral pa rin upang matuto
magbasa-basa tayo ng libro
kaalaman, lipunan, prinsipyo

anong bago sa teknolohiya
anong nangyari, bakit may gera
kapayapaan ay paano na
anong kasanayang marapat pa

tatanda tayong di pulos alak
ang laman ng tiyak o ng utak
di papayag gumapang sa lusak
dahil tingin sa sarili'y hamak

paunlarin natin ang sarili
ang lahat ay di pa naman huli
sa lipunang ito nga'y kasali
tumanda man, tayo pa'y may silbi

- gregoriovbituinjr.
03.23.2022