Miyerkules, Setyembre 30, 2009

Kapitalismo'y Laban sa Kalikasan

KAPITALISMO'Y LABAN SA KALIKASANni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ang kapitalismo'y laban sa kalikasan
Ito ang sistemang sumira ng sagaran
Sa ating mundo, pagkatao, karangalan
At sa buhay ng karaniwang mamamayan

Nang dahil sa tubo, unti-unting sinira
Ng kapital ang kalikasang lumuluha
Ang nagpapasasa dito't kumakawawa
Ay mga kumpanya at tao sa hilaga

Nang dahil sa tubo, kung saan-saan sila
Nagtatapon ng kanilang mga basura
Ginagawang tambakan ang kalapit nila
Walang pakialam kung makakasira na

Sa tubo nabubuhay ang kapitalismo
Na isang sistemang sadyang salot sa mundo
Pinapatay nitong unti-unti ang tao
Ito'y walang pakialam kahit kanino

Sinakop ang mga bansa upang nakawin
Ang likas na yaman ng mga bayan natin
Ginahasa nila ang kalikasang angkin
At mamamayan pa'y kanilang inalipin

Kaya ibagsak natin ang kapitalismo
Na yumurak na sa dangal ng bawat tao
At sumira pa sa daigdig nating ito
Magkaisa na ang mamamayan ng mundo

October 14 Memorial Hall, Bangkok, Thailand
Setyembre 28, 2009

Sa Malamig na Silid ng KT Hotel

SA MALAMIG NA SILID NG KT HOTEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Malamig sa silid na kinalalagyan
Tila kasinlamig ng bagyong nagdaan
Habang may pangamba sa aking isipan
Pagkat nasalanta'y mga kababayan

Bagamat sa amin, di naman gaano
Ang pananalasa ng nagdaang bagyo
Hanggang tuhod lamang, at di hanggang ulo
Ngunit mas marami yaong apektado

Dahil sa nangyari'y maraming tulala
Mga bahay nila'y nilamon ng baha
Sadyang sila ngayon ay kaawa-awa
Habang ako nama'y nasa ibang bansa

Ngunit ito nama'y mahalagang gawa
Pagkat patungkol sa climate change ang paksa
Na may kaugnayan sa nangyaring sigwa
Na sa ating bansa'y kaytinding tumama

Sa Pagdatal sa Bangkok

SA PAGDATAL SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ito'ng ikalawa kong pangingibang-bayan
Ilang taon na rin yaong nakararaan
Nang maging technical trainee ako sa Japan
Ako'y nagtagal doon ng anim na buwan.

Ngayon ako'y nasa malayang bansang Thailand
At tatagal dito ng walong araw lamang
Upang climate change ay aming mapag-usapan
Paano ba mga bansa'y magtutulungan.

sinulat sa Bangkok International Airport,
tinapos sa taksing may numerong 0-6401
Setyembre 29, 2009, alauna ng umaga

Pagninilay sa Himpapawid

PAGNINILAY SA HIMPAPAWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Habang nasa eroplano
Ay pinagnilayan ko
Itong nanalasang bagyo
Ano bang dahilan nito

Karaniwan na ang ulan
Sa ating magandang bayan
Ngunit hindi karaniwan
Yaong unos na nagdaan

Lumubog ng lampas bubong
Yaong nasa subdibisyon
Mansyon nila ay nilamon
Sila'y di pa makabangon

Kahit na barung-barong man
Ay inanod nang tuluyan
Mahirap din ay nawalan
Ng kanilang matitirhan

Climate change ba'ng humagupit
Kung bakit ito sinapit
Kalikasan ay nagngalit
At sa tao'y nagmalupit

Sana sa pagbalik namin
Kami'y makatulong pa rin
At ang matututuhan din
Ay maibahagi namin

Habang nakasakay sa Cebu Pacific Flight 5J 931
patungong Bangkok, Thailand
Setyembre 28, 2009

Pagninilay sa Pag-alis

PAGNINILAY SA PAG-ALIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Bago umalis ng tahanan
At habang nasa paliparan
Aking napagnilay-nilayan
Yaong kaganapang nagdaan

Bagyong Ondoy ay nanalasa
Noon lamang kamakalawa
Kayrami ritong nasalanta
At kababayan ay nagdusa

Bumaha ang Kamaynilaan
Pati mga kanugnog-bayan
Nasira'ng mga kasangkapan
At iba pang ari-arian

Lumubog ang mga tahanan
Sa tubig habang nagsampahan
Ang mga tao sa bubungan
Umaasang masaklolohan

Sa isip ko'y sa guniguni
Lang itong maaring mangyari
At ang tangi ko lang nasabi
Ano't sinong dapat masisi

Climate change ba yaong dahilan
Ng anim na oras na ulan
Ito ang paksa ng usapan
Doon sa aming dadaluhan

Kami ma'y walong araw lang
Sa kalapit na bansang Thailand
Ngunit yaong nasa isipan
Ay ating mga kababayan

Ito ang aking nalilimi
Habang papaalis na kami
Na sa kalooba'y nasabi
Ang nangyari'y sadyang kaytindi

Inakda sa Gate 112, NAIA Terminal 3
Setyembre 28, 2009