Miyerkules, Hunyo 18, 2014
Pagsintang ginipit
PAGSINTANG GINIPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
diwatang sinasamba, ako'y nilalait
dahil isa lang akong aktibistang yagit
totoo naman, ako'y laging nasa gipit
sapat ba iyon upang siya'y magmalupit?
marahil nga, pagkat pinangarap ko'y langit
diyosang ang pangalan ay lagi kong sambit
ako'y dukha, walang anumang pag-aari
may pag-aari man ay mayroong kahati
walang sambuo, kundi kala-kalahati
iba'y hiram, iba'y bigay, kundi man hingi
ngunit nagsisipag ako't nagpupunyagi
bakasakaling pagsinta'y maipagwagi
dapat kayang ang iwing pagtingin sa kanya
na aking sinisinta'y ibaling sa iba?
ngunit ganoon kaya'y aking makakaya?
siya lamang ang nasa isip ko tuwina
siya lamang ang sa puso ko'y nakatira
siya, tanging siya lamang ang sinisinta
diwatang sinasamba'y di ko pinipilit
gaano man katapat ang pusong lumapit
sawing kapalaran ba'y aking masasapit?
o kapalaran kong siya'y aking madagit?
kung may pag-asa, pagsinta ko'y igigiit
kung wala, lalayo ako't di na hihirit
Ang buhay ko'y sa kilusan na nakalaan
ANG BUHAY KO'Y SA KILUSAN NA NAKALAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ang iwing buhay ko'y sa kilusan na nakalaan
nasa kamay na nila ang buhay ko't kamatayan
pagkat ako'y aktibistang pagbabago'y adhika
nasa diwa'y paglilingkod sa uring manggagawa
tanging prinsipyong niyakap ang pinalalaganap
saanma't kailan upang matupad ang pangarap
na lipunang walang anumang pagsasamantala
ng tao sa tao't wala nang elit at burgesya
kilusan ang kapiling sa maghapon at magdamag
at sa pakikibaka'y nananatiling matatag
patuloy na sinusunod ang disiplinang bakal
ng kilusan bilang akda ng buhay na may dangal
sadyang dito na ako sa kilusan mamamatay
pagkat dito na nakalaan ang iwi kong buhay

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)