Miyerkules, Hunyo 18, 2014
Pagsintang ginipit
PAGSINTANG GINIPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
diwatang sinasamba, ako'y nilalait
dahil isa lang akong aktibistang yagit
totoo naman, ako'y laging nasa gipit
sapat ba iyon upang siya'y magmalupit?
marahil nga, pagkat pinangarap ko'y langit
diyosang ang pangalan ay lagi kong sambit
ako'y dukha, walang anumang pag-aari
may pag-aari man ay mayroong kahati
walang sambuo, kundi kala-kalahati
iba'y hiram, iba'y bigay, kundi man hingi
ngunit nagsisipag ako't nagpupunyagi
bakasakaling pagsinta'y maipagwagi
dapat kayang ang iwing pagtingin sa kanya
na aking sinisinta'y ibaling sa iba?
ngunit ganoon kaya'y aking makakaya?
siya lamang ang nasa isip ko tuwina
siya lamang ang sa puso ko'y nakatira
siya, tanging siya lamang ang sinisinta
diwatang sinasamba'y di ko pinipilit
gaano man katapat ang pusong lumapit
sawing kapalaran ba'y aking masasapit?
o kapalaran kong siya'y aking madagit?
kung may pag-asa, pagsinta ko'y igigiit
kung wala, lalayo ako't di na hihirit
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
2 komento:
Minsan mas madali pa talaga sa isang lalaki ang sumigaw sa harapan ng pangulo kaysa isigaw ang nilalaman ng puso mo sa babae..
Oo nga po!
Mag-post ng isang Komento