Miyerkules, Hunyo 18, 2014

Ang buhay ko'y sa kilusan na nakalaan

ANG BUHAY KO'Y SA KILUSAN NA NAKALAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang iwing buhay ko'y sa kilusan na nakalaan
nasa kamay na nila ang buhay ko't kamatayan
pagkat ako'y aktibistang pagbabago'y adhika
nasa diwa'y paglilingkod sa uring manggagawa
tanging prinsipyong niyakap ang pinalalaganap
saanma't kailan upang matupad ang pangarap
na lipunang walang anumang pagsasamantala
ng tao sa tao't wala nang elit at burgesya
kilusan ang kapiling sa maghapon at magdamag
at sa pakikibaka'y nananatiling matatag
patuloy na sinusunod ang disiplinang bakal
ng kilusan bilang akda ng buhay na may dangal
sadyang dito na ako sa kilusan mamamatay
pagkat dito na nakalaan ang iwi kong buhay

Walang komento: