Huwebes, Hunyo 16, 2022

Pagsasalin

PAGSASALIN

Hindi dakila ang digmaan, kaya hindi ko isinalin ng "dakila" ang "great" sa aklat na Poems of the Great War 1914-1918. Mas angkop pa marahil na salin ng "great" sa puntong ito ay "dambuhala". Kaya dapat isalin itong Mga Tula noong Dambuhalang Digmaan.

Gayunpaman, mas isinalin ko ang pamagat ng aklat sa esensya nito, ang Great War na tinutukoy ay ang World War I. Kaya isinalin ko iyon ng ganito: Mga Tula ng Unang Daigdigang Digmaan. Mas "ng" imbes na "noong" ang aking ginamit dahil marahil hindi naman ginamit ay Poems from, kundi Poems of. Gayunman, maaari pang pag-isipan kung ano ang tamang salin sa panahon na ng pag-iedit ng buong aklat ng salin. Subalit sa ngayon, sinisimulan pa lang ang pagsasalin ng mga tula. Mahaba-habang panahon ang kailangan sa pag-iedit.

Marahil itatanong mo: "Bakit hindi mo isinalin ng Unang Digmaang Pandaigdig?" At marahil, idadagdag mo pa: "Digmaang Pandaigdig ang palasak na ginagamit ngayon at iyan din ang salin na nakagisnan natin." At ang akin namang magiging tugon sa iyo ay: "Palagay ko'y hindi angkop na paglalarawan na pandaigdig ang nabanggit na digmaan. Ang maaari pa ay daigdigan na mas nyutral." Ganito ko isinulat noong 2009 sa isang artikulo kung ano ba dapat ang tamang salin ng World War:

"Ang tamang pagkakasalin ng World War II sa ating wika ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang "Pandaigdig" ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. Ang iba pang katulad nito'y ang "pam, pang" at kung susuriin ang mga ito, "pansaing, panlaba, panlaban, pambayan, pangnayon, pambansa, pandaigdig, makikita nga nating ang unlaping "pan, pam, pang" ay may pagsang-ayon sa nakaugnay na salita nito.

Gayundin naman, dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling tawaging Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang neutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." mula sa kawing na: http://salinnigorio.blogspot.com/2009/05/tamang-salin-ng-wwii.html

Ibinilang ko na sa mga collectors' item ko ang aklat na Poems of the Great War 1914-1918 nang mabili ko ang pambihirang aklat na ito (na mabibilang sa rare book), na may sukat na 4" x 5.5", sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18, 2018, sa halagang P60.00. Inilathala ito ng Penguin Books noong 1998. Plano kong isalin sa wikang Filipino ang lahat ng tula, kung kakayanin, sa aklat na ito, na binubuo ng 145 pahina.

Borador pa lamang ang disenyo ng pabalat, kung saan anino ko, o selfie, ang aking kinunan nang minsang naglalakad pauwi isang gabi. Aninong marahil ay sumasagisag din sa mga nangawala noong panahon ng digmaan. Naging adhikain ko at niyakap ko nang tungkulin ang pagsasalin ng mga tula mula sa ibang wika upang mabatid at maunawaan ng ating mga kababayan ang iba pang kultura at pangyayari sa ibang bayan. Tulad noong Unang Daigdigang Digmaan, na hindi naman dinanas ng ating bayan.

Gayunman, kung may matatagpuan pa tayong aklat ng mga tula hinggil naman sa World War II, iyon ay paplanuhin ko ring isalin sa wikang Filipino. Sa ilang mga dokumentong isinalin ko'y Ikalawang Daigdigang Digmaan na ang aking ginamit na salin ng World War II. Sa mga nagpasalin ng akda nila, sana'y naunawaan po ninyo ako. Marami pong salamat.

Nais kong ilarawan sa munting tula ang pagmumuni ko sa paksang ito.

ANG SALIN KO NG WWII

Ikalawang Daigdigang Digmaan ang salin ko
sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, totoo
dama ko'y may konotasyon ng pagsang-ayon ito
sa gyera, nyutral na daigdigan ang ginamit ko

kaya sa aklat ng pagsasalin ng mga tula
ng mga nabuhay at lumaban noon sa digma
ay sadyang bubuhusan ko ng pawis, dugo, diwa't
panahon, upang maunawaan sila ng madla

ang kasaysayan nila sa tula inilarawan
bilang makata'y tungkulin ko na sa panulaan
ang magsalin ng akda nang madama ang kariktan
ng saknong at taludtod sa kabila ng digmaan

nawa kanilang tula'y matapat kong maisalin
lalo't gawaing ito'y niyakap ko nang tungkulin
para sa mamamayan, para sa daigdig natin
salamat ko'y buong puso kung ito'y babasahin

06.16.2022

* ang unang litrato ang pabalat ng aklat na isasalin ng makata, at ang ikalawa naman ang borador o draft na disenyo ng aklat ng salin

Ang mukha ng ating kababaihan

Ang Mukha Ng Ating Kababaihan
tula ni Nâzım Hikmet Ran
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi isinilang ni Maria ang Diyos.
Hindi si Maria ang ina ng Diyos.
Isang nanay lang si Maria sa maraming ina.
Isinilang ni Maria ang isang lalaki,
isang anak sa marami pang mga anak.
Kaya naman napakarikit ni Maria sa lahat ng kanyang larawan.
Kaya naman napakalapit ng anak ni Maria sa atin, tulad ng sarili nating mga anak.

Ang mukha ng ating mga kababaihan ang aklat ng ating pasakit.
Ang ating pasakit, ang ating pagkakamali at ang ating dugong ibinubo
na nag-ukit ng mga pilat na tila araro sa mukha ng ating kababaihan.

At makikita ang ating kagalakan sa mga mata ng kababaihan
tulad ng bukangliwayway na nagniningning sa mga lawa.

Ang ating haraya ay nasa mukha ng mga babaeng mahal natin.
Makita man natin sila o hindi, sila'y nasa ating harapan,

na pinakamalapit sa ating reyalidad at pinakamalayo.

* isinalin 06.16.2022
* litrato mula sa google
* tula mula sa Nâzım Hikmet Archive

The Faces of Our Women
by Nâzım Hikmet Ran

Mary didn't give birth to God.
Mary isn't the mother of God.
Mary is one mother among many mothers.
Mary gave birth to a son,
a son among many sons.
That's why Mary is so beautiful in all the pictures of her.
That's why Mary's son is so close to us, like our own sons.

The faces of our women are the book of our pains.
Our pains, our faults and the blood we shed
carve scars on the faces of our women like plows.

And our joys are reflected in the eyes of women
like the dawns glowing on the lakes.

Our imaginations are on the faces of women we love.
Whether we see them or not, they are before us,

closest to our realities and furthest.

Dalawang aklat ng salin

DALAWANG AKLAT NG SALIN

Nakakatuwa na sa paghahalungkat ko sa aking munting aklatan ng nais kong basahin ay nakita kong muli ang dalawang aklat ng salin, lalo na't pulos proyekto ko ngayon ay gawaing pagsasalin.

Noong 2016 ay ibinigay sa akin ng isang kaibigan ang aklat na "Nabighani: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha" ni Fr. Albert E. Alejo, SJ. Inilathala ito ng UST Publishing House. May dedikasyon pa iyon ng nasabing pari, kung saan isinulat niya: "Greg, Bituin ng Pagsasalin, Paring Bert, 2016". Dedikasyong tila baga bilin sa akin na ipagpatuloy ko ang gawaing pagsasalin.

Nabili ko naman sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021 ang aklat na "Landas at Kapangyarihan: Salin ng Tao Te Ching" ni Prof. E. San Juan, Jr.. Ang librong Nabighani ay may sukat na 5.5" x 9" at may 164 pahina, at ang librong Landas at Kapangyarihan, na inilathala ng Philippine Cultural Center Studies, ay may sukat na 5.25" x 8" at may 100 pahina.

Maganda't nahagilap ko ang mga ito sa panahong tinatapos ko ang salin ng 154 soneto ni William Shakespeare para sa ika-459 niyang kaarawan sa Abril 2023, pati na pagsasalin ng mga tula ng makatang Turk na si Nazim Hikmet at ng makatang Bolshevik na si Vladimir Mayakovsky. Bukod pa ito sa planong pagsasalin ng mga tula ng mga lumahok noong Unang Daigdigang Digmaan. Nasimulan ko na ring isalin ang ilang tula nina Karl Marx (noong panahong 1837-38) at ni Edgar Allan Poe. Nakapaglathala na rin ako noon ng aklat ng salin ko ng mga akda ni Che Guevara, kung saan inilathala ito ng Aklatang Obrero Publishing Collective.

Binabasa ko at pinag-aaralan ang mga akda sa dalawang nabanggit kong aklat ng salin, upang bakasakaling may matanaw na liwanag o anumang dunong sa ginawa nilang pagsasalin, na hindi lamang basta nagsalin ng literal kundi paano nila ito isinalin nang matapat sa orihinal at maisulat nang mas mauunawaan ng mambabasa.

Ang mga ganitong aklat ng salin ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang pag-igihan pa at ipagpatuloy ang mga nasimulan kong gawain at tungkuling pagsasalin. Wala naman akong inaasahang kikitain sa mga ito dahil ito'y inisyatiba ko lamang, kung saan tanging kasiyahan ang madarama pag natapos at nalathala ang mga ito. Higit pa ay nais kong mag-ambag upang higit na maunawaan ng ating mga kababayan ang mga akda ng mga kilalang tao sa kasaysayan, at ng mga hindi kilala ngunit may naiambag na tula upang ilarawan ang kanilang karanasan sa kanilang panahon.

Nais kong mag-iwan ng munting tula ng pagninilay at sariling palagay hinggil dito.

ako'y matututo sa dalawang aklat ng salin
na sa munting sanaysay na ito'y nabanggit ko rin
mabuti't nagkaroon ng ganitong babasahin
nang nangyayari sa ibang dako'y mabatid natin

di lang ito babasahin kundi aaralin pa
upang sa ginawa nila, may aral na makuha
salamat sa salin nila para sa mambabasa
nang maunawa yaong klasikong akda ng iba

para sa akin, libro't nagsalin ay inspirasyon
di lang ang aklat kundi ang mga nagsalin niyon
sa gitna ng pagkakaiba ng kultura't nasyon
magsalin at magpaunawa ang kanilang misyon

sadyang kayganda ng layunin ng kanilang aklat
isinalin upang maunawaan nating sukat
yaong mga klasikong akda't tulang mapagmulat
mabuhay ang mga nagsalin, maraming salamat

tunay na mahalaga ang gawaing pagsasalin
kaya ito'y ginawa ko't niyakap ding tungkulin
para sa masa, para sa bayan, para sa atin
at sa kinabukasan ng henerasyong darating

06.16.2022

Boteng plastik

BOTENG PLASTIK

mga walang lamang boteng plastik
nakita kong doon nakasiksik
sa diwa ko'y tila itinitik
kaytagal kung gagawing ekobrik

marahil gawing paso't pagtamnan
ng binhi't palaguing halaman
tamnan ng gulay, gawing gulayan
okra, munggo, sitaw, o anuman

basurang plastik na'y tambak-tambak
sa mundong tila ginawang lusak
plastik ba'y saan dapat ilagak?
ibalik sa pabrika ang linsyak!

isang pansamantalang solusyon
ang ekobrik na gawa ko ngayon
minsan, nakakatamad na iyon
lalo't mag-isa lang ako roon

magandang bukas nitong daigdig
ang layon ko kaya aking ibig
makatulong gamit yaring bisig
mundo'y sagipin ang aking tindig

- gregoriovbituinjr.
06.16.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa opis na pinupuntahan