Huwebes, Hulyo 22, 2021

Panawagan ng maralita

PANAWAGAN NG MARALITA

matindi ang labanang kung minsan nakakapagod
subalit patuloy ang laban, di maninikluhod
kaya sigaw natin sa ahensya nang magsisugod:
"Karapatan sa pabahay ay ating itaguyod!"

"Kanselasyon ng kontrata at ebiksyon, itigil!"
maralitang sumisigaw ay di magpapapigil
lalo't sa isyu ng pabahay, sila'y nanggigigil
pagkat may bantang sila'y tanggalin, pulos hilahil

"Trabaho't Kabuhayan" ang kanilang sigaw doon
sa Departamento ng Pabahay, "Hindi Ebiksyon
sa Relokasyon!" matanggap sana'y magandang tugon
sa isyung kaharap at magwagi sa nilalayon

"Kanselasyon ng Kontrata, Hindi Makatao!"
ang pabahay ay huwag ibatay sa market value
pabahay ay karapatan, huwag gawing negosyo
panawagan ng maralita'y batay sa prinsipyo

anong tugon ng matatalino't nakapag-aral?
batay sa sistemang kapitalismong umiiral?
"Pabahay ay karapatan, huwag gawing kalakal!
ito'y panawagan ng maralitang nagpapagal

- gregoriovbituinjr.

Inuulan man sa rali

INUULAN MAN SA RALI

di rin napigilan ang maralita sa pagsuong
sa nakatakdang rali, maulan man ay nagpayong
pinakitang kahit may bagyo'y di sila umurong
upang dala nilang isyu'y kanilang maisulong

sanay sa hirap at dusa, kaharap man ay baha
tingin nila, mas mahirap kung bahay ang mawala
sumuong sa ulan upang ituloy ang adhika
na kinakaharap na isyu'y mapansin ng madla

kakanselahin daw ang kontrata sa relokasyon
sa panahon ng pandemya'y natanggap nilang hamon
aba'y bakit? wala bang puso ang ahensyang iyon?
karapatan sa pabahay ba'y balewala ngayon?

kaya nilusob ang Departamento sa Pabahay
habagat man ang sa dukha'y sumalubong na tunay
at doon pinahayag ang hinaing nila't pakay
sana'y pakinggan sila't may katugunang mahusay

- gregoriovbituinjr.

Pagtula sa lansangan

PAGTULA SA LANSANGAN

ang pagtula sa rali'y aking kinasasabikan
pagkat ito'y yakap kong tungkulin para sa bayan
kaya maraming salamat pag ako'y napagbigyan
upang magbasa ng tula sa rali sa lansangan

inaalam ko muna kung anong kanilang paksa
upang sa bawat pagtula ko'y di naman mawala
kundi nababagay sa tema o isyu ng madla
tulad ng panawagan ng kapatid nating dukha

oo, pagtula sa rali'y niyakap kong tungkulin
kapara ng mananalumpati o orador din
pinaghahandaan ang paksa't aking susulatin
naka-kompyuter o sulat-kamay ay babasahin

bumigkas ng tula sa rali'y aking pasalamat
pagkat kahit paano'y nakakatulong magmulat
tinitiyak ko lang sa isyu't tema'y di malingat
pinaghahandaan ang paksa lalo na't mabigat

- gregoriovbituinjr.