Martes, Hunyo 29, 2021

Ang bawat kong tula'y paglilingkod

ANG BAWAT KONG TULA'Y PAGLILINGKOD

para sa akin, ang bawat kong tula'y paglilingkod
tulad sa pagkaing anong sarap na nakatanghod
araw-gabing kumakain ng anong makalugod
araw-gabing magsalansan ng saknong at taludtod

tara, sa pananghalian nga'y saluhan mo ako
ating namnamin ang gulay, ang prito, ang adobo
tara, sa paggawa ng tula, ako'y sabayan mo
ating namnamin ang bukid, ang pitak, ang araro

may kasabihan nga, ang personal ay pulitikal
tulad ng pagkain at pagtulang gawaing banal
pagluluto't paglikha ang sa diwa'y nakakintal
mula sa sinapupunan ng wala'y maitanghal

ang bawat kong tula'y paglilingkod sa abang madla
sa kababaihan, kabataan, nagdaralita
ang bawat kong tula'y tulay sa uring manggagawa
mga tulang bubusog sa tiyan, puso n'yo't diwa

ako'y makata ng lumbay, sa inyo'y nangungusap
ako'y makata ng pag-ibig, na di kumukurap
ako'y makatang pulitikal, may pinapangarap
na lipunang makatao nawa'y matayong ganap

- gregoriovbituinjr.
06.29.2021

Kontra-baha sa Provident Village

KONTRA-BAHA SA PROVIDENT VILLAGE

isang magandang balitang makabagbag-damdamin
na huli man at magaling sana'y magawa pa rin
higit sampung taon nang nakaraan nang bahain
ang Provident Village na talagang lumubog man din

nanalasa ang ngitngit ng Ondoy, kaytinding bagyo
lumubog sa baha ang buong subdibisyong ito
dalawampung talampakan, abot anim na metro
higit limampung tao umano'y namatay dito

at naganap ang bangungot sa ikalawang beses
nang manalasa ang mas matinding bagyong Ulysses
nitong nakaraang taon lang, bagyo'y naninikis
muling lumubog ang Provident, sadyang labis-labis

buti't may gagawin ang lokal na pamahalaan
nang di na maulit ang bahang di mo makayanan
higit isangdaang metrong bakod, ito'y lalagyan
kung bumagyo't umapaw ang ilog ay may haharang

kaytagal hinintay ang ganitong inisyatiba
salamat sa alkalde ng Lungsod ng Marikina
at sana'y matatag ang bakod na gagawin nila
upang di maulit ang mga bangungot at dusa

- gregoriovbituinjr.
06.29.2021

Mga pinaghalawan ng datos:
https://news.abs-cbn.com/nation/09/28/09/78-dead-devastated-marikina
https://newsinfo.inquirer.net/1360021/like-ondoy-all-over-again

Hiyaw ng katarungan

HIYAW NG KATARUNGAN

binaril ng pulis na lasing ang isang matanda
aba, ito'y sadyang nakagigimbal na balita
bakit ba nangyari ang gayon, nakakatulala
matanda'y walang armas, pinaslang ng walanghiya!

ayon sa ulat, nag-iiba ang pulis pag lasing
kaibigan pa naman daw ng biktima ang praning
nagagalit, nabubuwang, mistulang may tililing
mga kaanak ng biktima, hustisya ang hiling

nakunan pala sa bidyo ang ginawang pagpaslang
lasing na ang suspek nang babae'y sinabunutan
tinutukan ng baril, sa leeg pinaputukan
ang ginawa ng parak ay walang kapatawaran

ang mga naulila'y humihiyaw ng hustisya
lalo't wala namang kalaban-laban ang biktima
tanong ko'y bakit ginawa ng pulis ang trahedya?
dahil ba pangulo'y sagot ang pandarahas nila?

libu-libong tinokhang nga ang nilibing na't sukat
kasama na ang matandang pinagtripan ng alat
ah, sana'y mahuli't maparusahan din ang parak
kung walang bidyo, baka biktima pa'y mabaligtad

- gregoriovbituinjr.

Mga pinaghalawan:
https://www.rappler.com/nation/cop-kills-woman-lilybeth-valdez-quezon-city-may-31-2021
https://www.gmanetwork.com/news/news/metro/789668/drunk-cop-allegedly-shoots-dead-52-year-old-woman-in-qc/story/
https://www.youtube.com/watch?v=XqM8HO0xqtw