Biyernes, Disyembre 20, 2024

Di kinuhang basura ng namamaskong basurero

DI KINUHANG BASURA NG NAMAMASKONG BASURERO

basura raw, sabay abot ng sobre
kahit barya lang ay maglagay kami
ganyan ang gawa, magpapasko kasi
kasi pasko ay bigayan daw, sabi

magbigay ng anumang kaya natin
pag di naglagay ay baka di kunin
ang basura mo, aba'y kayhirap din
gayong sila nama'y may sasahurin

kanina lang, basura'y di kinuha
wala kasi akong barya sa bulsa
nakaalis na ang trak ng basura
inipon kong basura'y nariyan pa

di ko mabigay ang sandaang piso
may lakad ako't pamasahe ito
sa bahay, maghahanap pang totoo
kahit bente pesos, ibibigay ko

kaunting barya'y ating ibahagi
kunin lang ang basura'y ating hingi
upang kalinisa'y mapanatili
bente pesos man ay malaking munti

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Ang rebulto ni Galicano C. Apacible sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Galicano C. Apacible, manggagamot, at propagandista mula Balayan, Batangas. Kasama ni Rizal nang itatag ang El Compañerismo, lihim na samahang pulitikal na itinatag sa Maynila noong 1890s.

Halina't basahin ang nakasulat sa marker:

GALICANO C. APACIBLE
(1864-1949)

Manggagamot, propagandista, diplomatiko, mambabatas at makabayan. Ipinanganak sa Balayan, Batangas 26 Hunyo 1864. Kasama si Dr. Jose Rizal at iba pang mga mag-aaral na Filipino, itinatag sa Maynila ang El Compañerismo, isang lihim na samahang pulitikal noong 1890s. Isa sa mga nagtatag ng pahayagang propagandistang La Solidaridad noong 1889. Pangulo ng Asociacion Solidaridad Filipina sa Barcelona noong 1888 at ng Komite Sentral ng mga Filipino sa Hongkong noong 1898. Tagapayo ng Mataas na Konseho ng mga Rebolusyonaryong Filipino at kinatawan ng Republika ng Pilipinas sa Tsina, 1989-1899. Natatanging sugo sa Amerika at Europa, 1900-1901. Isa sa mga tagapagtatag ng Lapiang Nacionalista, 1906. Gobernador ng Batangas, 1908-1909; Kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Pilipinas, 1910-1916; Kalihim ng Pagsasaka at Likas na Yaman, 1917-1921. Yumao 22 Marso 1949.

Ang mga litrato ay kuha ng makatang gala sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024. Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

GALICANO C. APACIBLE

kasama ni Rizal at isa ring bayani
ngalan niya'y Galicano C. Apacible
isinilang parehong taon ni Mabini
parehong Batangenyo ang dalawang are

si Apacible ay isang diplomatiko
manggagamot at propagandistang totoo
kasama ni Rizal at iba pang Filipino
ay tinatag nila ang El Compañerismo

na lihim na samahang pulitikal noon
siya'y naging pangulo ng Asociacion
sa Barcelona't Komite Sentral sa Hongkong
sa Mataas na Konseho ng Rebolusyong

Filipino at kinatawan din sa Tsina
tanging sugo rin sa Amerika't Europa
nagtatag din ng Lapiang Nacionalista
kinatawan ng Batangas sa Asamblea

ng bansa, Gobernador din ng lalawigan
Kalihim ng Pagsasaka't Likas na Yaman
tulad ni tatay, isinilang sa Balayan
si Apacible ay bayani rin ng bayan

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Ang rebulto ni Mabini sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Gat Apolinario Mabini sa Balayan, Batangas. Ang nakasulat sa marker: 

APOLINARIO MABINI y MARANAN
23 July 1864 - 13 May 1903

Isa sa mga bayani ng Pilipinas, abogado, tagapayo ng pangulo, at punong katiwala (o punong ministro) ng pamahalaan na kumatha sa mga alituntunin ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Siya ay kilala bilang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko" at "Utak ng Rebolusyon."

Kuha sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024.

Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

APOLINARIO MABINI

isa sa ating mga bayani
si Gat Apolinario Mabini
mula sa lalawigang Batangas
bayaning tanyag sa Pilipinas
siya'y tagapayo ng pangulo,
at gumampan ding punong ministro
kinatha'y mga alituntunin
ng unang Saligang Batas natin
siya'y "Dakilang Paralitiko"
tinatawag ding "Dakilang Lumpo"
kilalang "Utak ng Rebolusyon"
sa kasaysayan ng ating nasyon
kay Mabini, Mabuhay! Mabuhay!
taospuso kaming nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024