Biyernes, Hunyo 3, 2016

Ang mga lumpen proletaryado

ANG MGA LUMPEN PROLETARYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nabubuhay sa ilalim ng bulok na lipunan
tinapal-tapal na barungbarong yaong tahanan
nabubuhay sa diskarte sa sentrong kalunsuran
subalit masakit sa mata ng pamahalaan

sila ang tinatawag na lumpen proletaryado
tinuringang walang pinag-aralan, magugulo
lulong sa sugal, droga, mabisyo, sakit ng ulo
kayrami nilang ipinanganak sa mundong ito

isang uri ng mga taong ugali'y magaspang
pagkat sa lipunang ito'y kailangang lumaban
pusakal, buriki, puta't pulubi sa lansangan
manginginom, nangingikil nang makakain lamang

durugista, kriminal, kahit ano'y papasukin
upang mga tiyan nila'y malagyan ng pagkain
walang pagkakataong ang dignidad nila'y dinggin
tingin ng marami'y daga ang tulad nilang lumpen

sila daw ang nasa mababang uring manggagawa
na kamalayang makauri'y di mauunawa
di makatulong sa rebolusyonaryong adhika
nabubuhay ng patapon ng di nila sinadya

kung maoorganisa ang lumpen proletaryado
may kakayahan kayang makatulong sa obrero
upang mapalitan ang sistemang kapitalismo
at bakasakaling maitayo ang sosyalismo

ngunit tanging sagot ko lamang sa ngayon ay ewan
paano matitiyak na sila'y di mang-iiwan
lalo na kapag umiigting ang mga labanan
o uring manggagawa ang tanging maaasahan

* ang salitang Aleman na lumpen o "basahan" sa kalaunan ay naging mga taong animo'y nakasuot ng basahan, at ginamit ito ni Marx sa kanyang akdang "Ang Ideyolohiyang Aleman".