pagbati sa anibersaryong pandal'wampu't pito
ng ating party list na Sanlakas, mabuhay kayo!
tunay na lingkod ng mamamayan, ng simpleng tao
lalo't tinataguyod ay lipunang makatao
dalawampu't pitong taon na ang nakalilipas
nang magkaisa ang masa't tinayo ang Sanlakas
dalawang dekadang higit nilabanan ang dahas
upang lipunang ito'y maging patas at parehas
kahit nitong kwarantina'y nagbigay ng pag-asa
sa abot ng kaya'y nagbigay ng tulong sa masa
sa iba't ibang isyu ng bayan ay nakibaka
upang tuluyang mabago ang bulok na sistema
narito lang kami, taas-kamaong nagpupugay
sa Sanlakas dahil sa pakikibaka n'yong tunay
narito tayo, kapitbisig, susulong na taglay
ang pagkakaisa ng bayang may adhikang lantay
- gregoriovbituinjr.
10.29.2020
Huwebes, Oktubre 29, 2020
Ilang tanaga
ILANG TANAGA
I
bakit ba kinakapos
kaming mga hikahos
bakit laging hikahos
ang dukhang kinakapos
urong-sulong ang diwa
walang kumakalinga
lalo't di masawata
ang kahirapang lubha
bakit kami'y iskwater
sa bayang minamarder
ng hinalal na lider
na tila isang Hitler
laksa-laksa’y namatay
kayraming humandusay
inosente'y pinatay
naglutangan ang bangkay
II
puting-puting buhangin
nang tayo’y paunlarin
ngunit kung iisipin
may planong alanganin
City of Pearl malilikha
uunlad daw ng bansa;
ang nananahang dukha
kaya’y ikakaila
dukha’y mapapaalis
tiyak madedemolis
sa planong hinuhugis
ng burgis na mabangis
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 20.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)