Martes, Enero 28, 2014

Kung kabayo lang ang pangarap

KUNG KABAYO LANG ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung ang pangarap ay naging isang kabayo
pulubi'y mag-uunahang sasakay dito
tulad ni Pegasus, ililipad ka nito
sa himpapawid ng mga pinangarap mo

kabayo'y tatakbong hila ang karitela
kung saan kayrami ng pangarap na karga
pangarap ng pulubi'y matutupad pala
tiyak silang pulubi'y di na magdurusa

tiyak na nanaisin pa ng mga pulubi
kung kabayo ang pangarap, sila'y hinete
sa anuma'y di sila mag-aatubili
madama lang ang ginhawa sa araw-gabi

maaring lumutang sila sa alapaap
upang layuan ang anumang dusa't hirap
at kung sakali mang sila'y mabigong ganap
ito'y pagkat kabayo'y isa lang pangarap

Bunkhouses sa Yolanda

BUNKHOUSES SA YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umano'y mahuhunâ ang bunkhouses na ginawâ
napakatipid umano't nakasayad sa lupa
di raw nararapat tirahan ng mga binahâ
bubong pa'y manipis, karupukan nito'y halatâ
paano kaya't dumating ang panibagong sigwa
sabistandard ang materyales, wala kang kawalâ

mga bunkhouses ay pawang batbat ng kontrobersya
na sa paggawa nito'y may katiwalian nga ba?
mabuting ibigay na lang sa mga nasalanta
yaong mga materyales para sa bahay nila
sa gayon, di tumagal ang kanilang pagdurusa
upang mga na-Yolanda'y di na sa tent tumira

Produktibong obrero ang guro

PRODUKTIBONG OBRERO ANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"... a schoolmaster is a productive labourer when, in addition to belabouring the heads of his scholars, he works like a horse to enrich the school proprietor. That the latter has laid out his capital in a teaching factory, instead of in a sausage factory, does not alter the relation." - Marx, Capital, Volume I, Chapter 16 (1867)

imbes salapi ng may-ari'y ipuhunan
sa produktong soriso't dito'y pagawaan
nangapital ang may-ari sa paaralan
at pagtuturo ang kanyang pinagtubuan

produktibong obrero ang maestrong guro
sapagkat kayod-kabayo sa pagtuturo
sa marami ngang iskolar na'y namumuno
ngunit may-ari lamang ang pinatutubo

kapital ma'y saan ilagak ng may-ari
ugnayan ay parehas at nananatili
manggagawa't guro'y nagbabakasakali
na maswelduhan para sa pamilyang iwi

ang manggagawa't guro'y dapat magkaisa
pagkat parehas yaong nadaranas nila
sa gawain man sila'y pawang magkaiba
ngunit iisang uri lamang kapwa sila