Biyernes, Abril 14, 2017

Adik at Kapitalismo: Huwag Tularan

ADIK AT KAPITALISMO: HUWAG TULARAN

siyang tunay, adik ay huwag tutularan
pagkat sakit nila'y kasumpa-sumpa naman
silang naging biktima nitong kahirapan
kapit sa patalim nang gutom ay maibsan

pinaglaruan sila ng kapitalismo
kagutuman nila'y nagsilbi sa negosyo
pamilya'y kakain pag nabenta ang gramo
may panggatas si Bunso kahit delikado

kailan matitigil ang sistemang bulok
na sa tiyan at pagkatao'y umuuk-ok
negosyo'y tuwang-tuwa kahit maging hayok
ang pamayanan basta't sila'y nasa tuktok

kapitalista ng droga'y dapat puksain
salot na negosyong ito'y dapat pigilin
habang rehabilitasyo'y puspusang gawin
pagkat adiksyon ay sadyang dapat gamutin

habang may kapitalismo, maraming dukha
ang pagkakapantay-pantay ay balewala
dapat magkaisa ang uring manggagawa
at pamunuan ang lipunang itinakda

halina't tuldukan na ang kapitalismo
puksain ang kabulukang dinulot nito
upang karapatang pantao'y irespeto
at maitayo ang lipunang makatao

- gregbituinjr.

Biyernes Santo

Biyernes Santo

animo'y nakadipa sa krus sa tabi ng daan
nakagapos, nakapiring, tandang pinahirapan
nasa lungsod ngunit animo'y nasa talahiban
habang panglaw na paligid ay agad kinordonan

Biyernes Santong puno ng luha'y di matingkala
ang bayan ba'y mistula nang walang namamahala?
walang proseso'y umiral nang walang patumangga
alang-alang daw sa bansang nais maging payapa

ngunit alalaong baga sa puso'y tumitining
ang kultura ng hilakbot, bayan ba'y nahihimbing?
namumuno'y sa kawalang proseso nahumaling
namutla ang dugo ng bayang ayaw pang magising

magtitiim-bagang na lang ba sa Biyernes Santo
habang namamayagpag na ang kawalang proseso?
walang budhi ang manonokbang na asal-barbaro
at ngingisi-ngisi lang ang maiitim ang buto

- gregbituinjr.