Miyerkules, Agosto 18, 2021

Kapanatagan

KAPANATAGAN

kapanatagan sa puso't diwa'y ramdam mong sukat
di sa pananahimik kundi sa pagiging mulat
panlipunang hustisya'y nakamit na ng kabalat
karapatang pantao'y pinaglalaban ng lahat

kaya naririto akong nagpapatuloy pa rin
sa niyakap na prinsipyo, mithiin, adhikain
pagtatayo ng lipunang makatao'y layunin
at sa puso't diwa ang kapanatagan ay kamtin

di ako tumatambay sa probinsya't nakatanghod
wala roon ang laban kundi narito sa lungsod
ayokong sayangin ang panahon kong nanonood
kung may isyung dapat ipaglaban ako'y susugod

di rin tatambay sa bakasyunan sa lalawigan
kung wala namang mga sakit na nararamdaman
di rin naman nagreretiro sa anumang laban
dapat lang ituloy ang nasimulan, mamatay man

bagkus sa pakikibaka'y walang pagreretiro
hangga't di maitayo ang lipunang makatao
wala pa ngayon ang kapanatagang pangarap ko
hangga't di maitayo ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Gawain ng panitikero sa kasaysayan

GAWAIN NG PANITIKERO SA KASAYSAYAN

pulos mga kathang isip lang ba ang binabasa
ng ating panitikero, makata't nobelista
di ba't bilang manunulat, alam din ang historya
ng bayan, magsulat man ng tula, nobela't drama

kasaysayan ng bansa't ng mundo'y dapat mabatid
sa bawat panitikerong di dapat nalilingid
paanong pang-aalipin ay tuluyang napatid
paanong mga bansa'y lumaya sa tuso't ganid

paano nasuri ang nakitang sistemang bulok
bakit sa diktadura, mga bayan ay nalugmok
bakit nahalal ang pinunong palamura't ugok
ang Boxer's Rebellion ba sa Tsina'y panay ba suntok

panitikero'y may gawain din sa kasaysayan
dapat inaral din ang Kartilya ng Katipunan
ang Liwanag at Dilim ni Jacinto'y natunghayan
pati kwento ng mga hari't sistemang gahaman

nakitang mali sa kasaysayan ay tinatama
sa paraang batid nila, nobela man o tula
kasaysaya'y sinapelikula o sinadula
o sa mga sanaysay man na kanilang inakda

kaya ako bilang makata at panitikero
pagbabasa ng historya'y ginagawang totoo
nakatagong lihim ay maipabatid sa tao
itula ang kasaysayan sa paraang alam ko

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

ATM - Automatic To Misis

ATM - Automatic To Misis

may A.T.M. na rin ako, Automatic To Misis
ibigay kay misis ang kinita ng walang mintis
ang mga kaperahang walang kulang, walang labis
daraan lang sa palad, mawawalang anong bilis

kaya pasasalamat sa pinasok na kampanya
ng aming samahang may kakulangan sa pinansya
ngayon dapat kumilos sa tinanggap na programa
at paghusaying epektibo ang kampanyang masa 

ganyan naman ang buhay-mag-asawa, may bigayan
lalo't marapat lang na si misis ang ingat-yaman
dahil kung ako lang, sa libro'y ubos agad iyan
na nasa isip lagi'y saliksik sa panitikan

pag may pera'y di ginagastos sa anumang bisyo
anong bait naman, aba'y di naninigarilyo
bihira ring mag-inom, pulos bili lang ng libro
tanging bisyo'y kumatha lang ng tula isa singko

kaya A.T.M. ko'y parang tibuyô o alkansya
doon ilagak ang anumang matanggap na kwarta
na ibig sabihin, kay misis agad iintrega
kaysa pera sa kamay ko'y parang bula't wala na

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Tulang salin: Ang landas na di tinahak

ANG LANDAS NA DI TINAHAK
Klasikong tula ni Robert Frost, makatang Amerikano
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

Dalawang lansangan ang lumihis sa dilaw na kahoy,
At paumanhin kung  di ko ito kapwa matatahak 
At maging isang manlalakbay, kaytagal kong tumayo
At tumingin nang pababa hanggang sa makakaya ko
Kung saan ito yumuko sa mga halamang ligaw

Ipinasya kong tahakin ang daang tingin ko’y patas,
At dahil na rin marahil sa mas mahusay na pasya,
Lalo na't madamo roon at kaysarap na suutin
Bagamat tinitingnang ang pagtahak sa dakong iyon
Ay nakakapagod din bagamat sila’y pareho lang

At kapwa sa umagang iyon, pantay na nakalatag
Yaong mga dahong walang hakbang na naiitiman.
Ay, akin muna itong ilalaan sa ibang araw!
Batid man kung paanong daan ay gigiya sa landas
Ay nagdududa ako kung ako’y makababalik pa.

Masasabi ko lamang ito nang may buntong hininga
Saanman maging noong una hanggang panahon ngayon
Dalawang lansangan ang lumihis sa kahoy, at ako’y—
Tinahak ko ang landasing di gaanong nalalakbay
At ito lang ay nagpakita na ng pagkakaiba.

- Salin ng tulang The Road Not Taken, na nakasulat sa Ingles, na nasaliksik ng tagasalin sa aklat na The Mentor Book of Major American Poets, pahina 250. Ang nasabing aklat ay nabili ng makatang gala sa Book Sale sa Farmers Plaza, sa Cubao, QC, sa halagang P125.00 noong Nobyembre 20, 2020.
- Natapos isalin ngayong 08.18.2021

Sa bawat butil

SA BAWAT BUTIL

ang butil ay di dapat maaksaya't maging mumo
na baka sa bawat hapag-kainan ay magtampo
bahala na ba ang mga langgam sa mumong ito
na sa kanila'y alay mo na sa labas ng plato

mula palay tungong bigas hanggang sa maging kanin
ang nilalandas ng munting butil na kinakain
gintong butil na inaalagaan nang magaling
kung iluto'y in-inin nang maganda ang sinaing

mula sa butil ng pawis ng mga magsasaka
na madaling araw pa lamang ay nasa bukid na
kaya makikita mo kung gaano kahalaga
ang bawat butil na bumubuhay nga sa pamilya

kahit bahaw ay kainin, sa umaga'y isangag
huwag hayaang mapanis sakaling maglagalag
kasangga ang butil upang prinsipyo'y di matinag
at buhay ng ating buhay upang maging matatag

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Ang papepi

ANG PAPEPI

wala nang toyo kaya nagtungong tindahan
nang madapa kaya ngayong nag-aalangan
pumuntang banyo't sugat muna'y hinugasan
paika-ika't sinisisi'y katangahan

pinanonood kasi'y langgam na nagbuno
gayong tuliro sa gutom na di maglaho
ah, dapat nang labhan ang medyas na mabaho
saka na atupagin ang dinidibuho

tingin na sa sarili'y papepi o lampa
na kamay ay laging nasa loob ng bulsa
katawang payat, mahina't namumutla pa
di kasi kumakain sa oras tuwina

kanyang hinimas-himas ang duguang tuhod
kung di agad tumayo'y baka napilantod
aral sa kanya: huwag laging nakatanghod
o lumilipad ang isip na parang tuod

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021