Martes, Agosto 24, 2021

Paslit

PASLIT

bagamat hitik sa bunga ang puno ng kalumpit
na paborito namang pitasin ng mga paslit
subalit kung mahuhulog sa puno'y anong sakit
kahit kapwa batang nakakita'y napabunghalit

bagamat paslit dahil sa kamurahan ng gulang
bawat isa sa kanila'y may angking karapatan
karapatan nila ang mag-aral sa paaralan
subalit di ang magbungkal sa mga basurahan

sa murang edad ay karapatan nilang maglaro
mag-aral at maglaro silang may buong pagsuyo
tatanda agad kung nagtatrabahong buong puso
gayong bata pa, ang kabataan nila'y naglaho

kung ang bunga ng kalumpit ay madaling mapitas
yaong batang nagtratrabaho na'y malaking bigwas
sa kanyang pagkabatang di na niya nadadanas
bata pa'y nagtrabaho upang makabiling bigas

protektahan ang bata, pagkabata'y irespeto
huwag hayaang sa maagang gulang magtrabaho
ngunit kung dahil sa hirap, gagawin nila ito
karapatan nila bilang mga bata'y paano?

- gregoriovbituinjr.
08.24.2021

* mga litrato mula sa google

Pagbati

pagbati ng makata'y maligayang kaarawan
asam kong lagi kang nasa mabuting kalagayan
di nagkakasakit, malusog ang puso't isipan
kumikilos pa rin kahit nasa malayong bayan

lalo na't matibay kang moog sa kilusang masa
habang nagpapatuloy pa rin sa pakikibaka
sa dukha't manggagawa'y patuloy na nakiisa
upang uring proletaryo'y umagos sa kalsada

maganda ang iyong tinuturo sa kabataan
nang sistemang bulok ay kanilang maunawaan
upang lipunang ito'y kanilang maintindihan
balang araw, sila'y magiging manggagawa naman

muli, maligayang kaarawan, aming kasama
tuloy ang laban, kamtin ang panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.
08.24.2021

Imaginary number sa sudoku





IMAGINARY NUMBER SA SUDOKU

sa matematika o sipnayan ay may konsepto
ng imaginary number, malaking tulong ito
sa mga aplikasyon sa pamumuhay sa mundo
mahalaga ring gamitin sa abanteng kalkulo

tinatawag din ito sa iba namang termino
na complex number o masalimuot na numero
na di agad maunawa kundi aaralin mo
nasok sa isip ko nang naglalaro ng sudoku

tulad ng sudoku sa halimbawang naririto
sa unang kahong siyaman ay makikita ninyo
na dapat ilagay sa blangko'y dos, syete, o kwatro
ngunit dos at syete'y di maaari sa ikatlo

o ikatlong blangkong kahon na kwatro ang sagot ko
kwatro'y tinuring na imaginary number dito
at naging mabilis na ang pagsagot ng sudoku
sa ikalawa'y dos agad, mabubuo na ito

kaya sa sipnayan muling naging interesado
dapat magbasa-basa muli't ako'y magrepaso
ang complex number, ang number theory't tulad nito
sa sariling wika'y ipaliwanag ang konsepto

mapagaan ang sipnayan sa unawa ng tao
na maaaring pasanaysay maisulat ito
o sa patula kong paraan o maikling kwento
magpaliwanag ng sipnayan ngayon na'y misyon ko  

- gregoriovbituinjr.
08.24.2021

* ang tatlong larawan ay ini-screenshot ng makata habang naglalaro ng sudoku