Huwebes, Agosto 3, 2023

Ang Balatas o Milky Way

ANG BALATAS O MILKY WAY

Balatas pala ang Milky Way sa sariling wika
ayon sa diksyunaryo'y Hiligaynon na salita
sa Ilokano'y Ariwanas kung tawaging sadya
sa Waray ay Silid, animo'y kwarto ang kataga

Milky Way ay mula sa Griyegong salita naman
galaktikòs kýklos - milky circle ang kahulugan
malagatas na pagkabilog pag pinag-isipan
tila salita'y hinggil sa Malagatas na Daan

ang Balatas ay yaong nagkukumpulang bituin
sa kalawakan kabilang ang ating solar system
maganda ring minsan ang astronomiya'y aralin
at pag gabi na, ang langit ay pakasuriin din

ikalabimpitong siglo iyon nang ang Milky Way
ay matagpuan noon ni Galileo Galilei
sa pamamagitan ng teleskopyo, yaong sabi
natuklasang isa lang iyon sa mga galaxy

salamat at may pag-aaral sa ganitong paksa
hinggil sa astronomiyang animo'y mahiwaga
paano nga ba ang uniberso ay nagsimula
at ang lagay natin sa kalawaka'y maunawa

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023

Balatas - Hiligaynon sa Milky Way, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 116

Ang Wika ng Buwan sa Buwan ng Wika

ANG WIKA NG BUWAN SA BUWAN NG WIKA

nakatingala ako sa buwan nang magsalita
ito sa akin tungkol sa kanyang nasasadiwa
anya: "Agosto'y Buwan ng Kasaysayan at Wika
sa buwan bang ito'y anong inyong balak magawa?"

ang tugon ko: "Oo, Buwan ngayon ng kasaysayan
dahil buwan ito nang mag-alsa ang Katipunan
kasabay din nito'y Buwan ng Wika nitong bayan
pagpupugay kay Quezon sa kanyang kapanganakan"

anang Buwan: "sa paggunita'y pagbati sa madla
pagtuunan ninyo ang kasaysayan ng nitong bansa
subalit ang wika, paunlarin ninyo ang wika
nang sunod na salinlahi, historya'y maunawa"

anya pa: "wika ba'y bakya dahil gamit ng bayan?
habang nag-iingles ang trapo, burgesya't iilan?
hindi, hindi, ang wika ninyo'y dakila't uliran!
gamit ng ninuno nang tayo'y magkaunawaan"

"sariling wika'y gamit ng manggagawa't dalita
lalo na upang bakahin ang banyaga't kuhila
upang ang bayan sa mapagsamantala'y lumaya
kaya ang inyong wika'y paunlarin ninyong kusa"

tugon ko: "O, Buwan, maraming salamat sa payo
ang munting bilin ninyo'y sasabihin ko sa guro,
sa manggagawa, magsasaka, at iba pang dako
wikang bibigkis laban sa mapang-api't hunyango"

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023

Nagtagpo sa panulat

NAGTAGPO SA PANULAT

sa panulat tayo nagkita, aking musa
sa aking mga kataga'y nilikha kita
upang maging inspirasyon ka sa tuwina
at sa panulat ko rin ba'y mawawala ka

nagtagpo tayo sa panulat, aking mutya
habang kahalubilo ko ang mga dukha
pinapangarap ay bayang mapagkalinga
na lipunang makatao'y nais malikha

sinta, ikaw ang musa ng aking panitik
sa kathang kwento mutya kang nakasasabik
ang alindog mo sa tula ko'y natititik
di mo ba narinig ang aking mga hibik

ako'y bilanggo mang patiwarik binitin
ngunit alay ko sa iyo'y mga bituin
sa langit tinirintas, lalambi-lambitin
ako ma'y nais nilang ihulog sa bangin

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023