Lunes, Mayo 18, 2020

Sinong tatapos sa aklat?

"A writer only begins a book. A reader finishes it." - Samuel Johnson

sinisimulan lamang daw ng isang manunulat
yaong pagkatha ng kanyang binabalak na aklat
at mambabasa na raw ang tatapos nitong sukat
ang sinabi'y matalinghagang dapat ding masipat

marahil, sinimulan lang ng may-akda ang katha
ngunit pagtatapos ng akda'y problema pa yata
kung serye sa magasin ang nobelang nililikha
kung basahin ito'y mambabasa ba'y nagtatakda?

kung simula pa lang ng nobela'y nakakabagot
baka akdang ito'y sa kangkungan na pinupulot
kung ayaw ng mambabasa ang akdang nilulumot
naglathala'y malulugi't sa ulo na'y kakamot

may nobelang sinaaklat na serye sa magasin
"Banaag at Sikat" ay nobelang halimbawa rin
inabangan ng mambabasa't kaysarap basahin
matapos lang ang isang taon ay sinaaklat din

marahil nga'y tunay ang sinabi ni Samuel Johnson
na sa mangangathang kagaya ko'y malaking hamon
isulat lang ba'y gusto o mambabasa'y kaayon?
susulatin ko ba'y aklat na panlahat ang layon?

- gregbituinjr.

Nagsakit-sakitan

may kilalang nagsakit-sakitan pagkat di alam
ang gagawin sa buhay, problema pa'y di maparam
walang plano sa buhay, walang pakialam
di alam ang gagawin, sa sarili'y nasusuklam

nanghihiram ng tapang sa kunwari niyang sakit
mahina ang loob, pinayuhan kong magpainit
sa araw pagkat Bitamina D yaong guguhit
sa bawat hinaymay ng kalamnan, gamot na sulit

di agad nagkakasakit ang may Bitamina D
ngunit malala'y magsakit-sakitan ang sarili
walang magawa, tingin sa sarili'y walang silbi
nag-iisip ng dahilan upang di nasisisi

wala raw ginagawa, walang kita, walang sahod
sa telebisyon na lang kasi laging nakatanghod
buhay na lang ba'y ganito, na tulad ng alulod
o baguhin ang pananaw sa buhay, huwag tuod

maghanap ng gagawin, magkaroon ng layunin
buhay ay gawing makabuluhan, may adhikain
tumulong sa kapwa, misyong marangal ay yakapin
di ka na magsasakit-sakitan, susulong ka rin

- gregbituinjr.

Libro imbes na yosi ang bisyo

mas mabuti pang pabilhin mo na ako ng libro
ngunit di mo ako mapabili ng sigarilyo
pagkat pagbabasa na ang kinagisnan kong bisyo
wala kasi akong mahita sa yosi o damo

napayosi rin ako noong aking kabataan
dahil naman sa pakikisama o barkadahan
subalit bisyong iyon ay agad kong napigilan
nang mapasama sa kilusang makakalikasan

sayang lang ang pera sa usok, sabi sa sarili
wala ngang pambili ng kanin, usok pa'y bibili?
mas mabuti pa ang ensaymada't busog ka dine
at pagbabasa'y naging bisyo kong kawili-wili

bagamat biniling libro'y di agad nababasa
binili iyon na pamagat at paksa'y kayganda
minsan isa o dalawang kabanata lang muna
mabuti na ang ganito't nakakapagbasa pa

- gregbituinjr.