Miyerkules, Oktubre 16, 2024

Ginisang talong na may sardinas

GINISANG TALONG NA MAY SARDINAS

ginayat kong malilit ang talong,
pati kamatis, bawang at sibuyas
aking gigisahin ang mga iyon
kasama ang isang latang sardinas

ginayat na talong ay walang sira
kaya inihanda ko na ang kalan,
paglulutuang kawali't mantika
habang naritong solo sa tahanan

buhay-Spartan na naman ang tibak
lalo't si misis ay nasa malayo
sa ulam na ito'y napapalatak
habang di katabi ang sinusuyo

tara, katoto ko, tayo'y magsalo
payak man ang ulam na naririto

- gregoriovbituinjr.
10.16.2024

Ang bakang si Obeidah - salin ng tula ni Ahlam Bsharat

ANG BAKANG SI OBEIDAH
Tula ni Ahlam Bsharat
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

May baka kami, ngalan niya'y Obeidah.

Mata niya'y malalaki't dilat
tulad ng buong kawan, may malalaking dilat na mata.

Siya'y nakapikit
habang ang iba'y nakapikit din.

May dalawa siyang malalaking suso
na araw-araw ay nagbibigay ng dalawa o tatlong timba ng gatas
datapwat ang iba pang baka sa kawan ay puno ang suso
naggagatas ang aking ina sa ganoon ding dami.

Kadalasan, may uhog si Obeidah sa kanyang ilong
at iyon ay nakakadiri
at laganap sa pag-aari naming kawan
ang butas ng ilong nila'y puno ng uhog.

At sa tuwing kinukuha namin ang kanyang guya sa tabi niya
si Obeidah ay lumuluhang parang luha ng tao
at iyon ang nangyari sa iba pang baka
sa tuwing kinukuha namin ang kanilang mga guya sa kanila
umiyak sila tulad ng mga tao.

Nagdusa na sa pananabik si Obeidah.
At aatungal ng masakit na moo.
Nagagawa ito ng buong kawan
at hinihiwa ang mga gapos ng aming puso, 
kaya nagtatatukbong kami ng kumot
na animo'y nagtatago
mula sa isang halimaw sa karimlan hanggang mag-umaga.

Sa pagputok ng araw, ipinapahayag namin ang ligtas na pag-iral
sa pamamagitan ng pag-ihi nang sunod-sunod sa labas
isang likas na ritwal ng pagdaan
habang binibigkas ng araw ang kanyang mga himno sa himpapawid.

Pagkatapos pupunta kaming mga bata sa kapatagan
nang hindi takot mawala
kung saan kami nagtungo sa nakaraang buhay.
Batid namin kahit ang pinakamaliit na bato,
ang mga dilaw na ahas, ang oras nila ng pagtawid,

at sa aming mga bibig
nakasubo ang isang piraso ng tinapay sa bawat isa,
at sa bawat kamay, may isang manipis na patpat
mula sa patay na amapola
dati naming tawag sa mapait na palumpong ng dalandan.

Tatakbo kaming inaabot ang dala naming patpat
kasama si Obeidah at ang buong kawan sa unahan namin.

at sa tabi nila
ay ang aming asong si Camel.

- sa Jiftlik

10.16.2024

* Si Ahlam Bsharat ay isang mananalambuhay o memoirist, mananalaysay, makata, at may-akda ng mga piksyong tigulang (young adult fiction). Dalawa sa kanyang mga nobelang young adult ang naisalin sa English, Code Name: Butterfly at Trees for the Absentees mula sa Neem Tree Press. Siya ay babaeng mula sa Jiftlik.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

22 Gintong Medalya, nakamit ng Pinoy

22 GINTONG MEDALYA, NAKAMIT NG PINOY

sa Japan, nakalabing-anim na gintong medalya
at nakaanim na ginto naman sa South Korea
kahanga-hanga ang mga Pilipinong atleta
sa kanilang isports o larangang nilaro nila

nakibaka sa Japan sa isports na jiu-jitsu
at lumaban sa South Korea sa isports na sambo
parehong martial arts ang dalawang isports na ito
talagang dapat mautak at malakas ka rito

mula sa bansang Brazil ang jiu-jitsu na iyon
ito'y pambubuno at sa sahig ka itatapon
ang sambo naman ay mula sa dating Sobyet Unyon
pinaunlad na combat ng Soviet Red Army noon

gayunman, tangi naming masasabi'y pagpupugay
at sa ibang bansa, pinakita ninyo ang husay
sa bagong mapa ng isports, ating bansa'y nilagay
kaya sa inyong lahat, mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
10.16.2024

* Ulat 1: 16 na Gold Medals, Inani ng Jiu-Jitsu Jrs. sa Japan
* Ulat 2: Sambo Nat'l Team, naka-6 na Ginto sa South Korea
* ang dalawang ulat at litrato ay mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024, p.12

11 bansa na pala ang kasapi ng ASEAN

11 BANSA NA PALA ANG KASAPI NG ASEAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Labing-isa na pala ang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang alam kasi ng karamihan, tulad ko, na napag-aralan pa noon sa eskwelahan, ay sampu ang bansa sa ASEAN. 

Narito ang sampung bansang unang kasapi ng ASEAN: Philippines, Malaysia, Indonesia, Thailand, Brunei, Singapore, Vietnam, Cambodia, Laos, at Burma (na Myanmar na ngayon).

Nabatid kong nadagdag ang East Timor nang makita ko ang litratong kapitkamay ng mga pinuno ng ASEAN sa pahayagang Philippine Star na may petsang Oktubre 10, 2024. Inaasahan ko'y sampu ang mga lider ng ASEAN subalit labing-isa ang nasa larawang nagkapitkamay. Binilang ko at natanong: Bakit kaya labing-isa?

Kaya binasa ko ang kapsyon sa ibaba ng nasabing larawan. Ito ang nakasulat: "Leaders of the Association of Southeast Asian Nations pose during the opening of the 44th Asean Summit in Vientiane yesterday. From left: "Myanmar Permanent Secretary of Foreign Affairs Aung Kyaw Moe, President Marcos, Singapore Prime Minister Lawrence Wong, Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra, Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh, Laos Prime Minister Sonexay Siphandone, Malaysia Prime Minister Anwar Ibrahim, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Cambodia Prime Minister Hun Mamet, Indonesia Vice Prime Minister Ma'ruf Amin and East Timor Prime Minister Kay Rala Xanana Gusmao."

Natatandaan ko ang pangalang Xanana Gusmao dahil isa siya sa mga nagtungo sa ating bansa, at nakita ko sa UP Diliman, noong unang panahon, nang hindi pa lumalaya sa pananakop ng Indonesia ang East Timor o sa kanilang salita'y Timor Leste. Prime Minister na pala siya.

Ang nag-iisang babae sa larawan ay si Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra na 38 taong gulang pa lang. Aba'y siya rin ang pinakabata sa mga lider ng ASEAN. Isinilang siya noong Agosto 21, 1986, saktong tatlong taon ng pagkapaslang kay Ninoy sa tarmac, at bata siya ng dalawang taon sa aking maybahay.

Ngayon, sa mga quiz bee sa telebisyon, pag tinanong tayo kung ilan ang mga bansa sa ASEAN ay agad nating masasabing labing-isa at hindi sampu.

Subalit kailan nga ba naging kasapi ng ASEAN ang East Timor? Ayon sa pananaliksik, opisyal na nagpahayag at nagbigay ng aplikasyon ang East Timor upang maging kasapi ng ASEAN noong Marso 4, 2011. At noong Nobyembre 11, 2022, ang East Timor ay tinanggap na kasapi ng ASEAN "sa prinsipyo" o "in principle". Kung "in principle" ba'y di pa ganap na kasapi? Gayunman, nakita natin sa litrato ng mga pinunong nagkapitkamay, labing-isa na ang kasapi ng ASEAN.

LABING-ISANG BANSA SA ASEAN

labing-isang bansa na pala ang nasa ASEAN
ito'y nabatid ko lamang sa isang pahayagan
sa litrato, pinuno ng bansa'y nagkapitkamay
at doon ang East Timor na'y kasama nilang tunay

labing-isa na sila, ngayon ay atin nang batid
mga Asyano silang animo'y magkakapatid
nagkapitbisig upang rehiyon ay pumayapa
nagkakaisang magtutulungan ang mga bansa

nawa'y lalong maging matatag ang buong rehiyon
ASEAN Charter ang bumibigkis sa mga iyon
sabi: "To unite under One Vision, One Identity
and One Caring and Sharing Community" ang mensahe

sana'y kamtin ng ASEAN ang mga minimithi
mabuhay lahat ng labing-isa nitong kasapi

10.16.2024

Mga pinaghalawan:
Philippine Star, na may petsang Oktubre 10, 2024

Tibuyô

TIBUYÔ

ginawa kong alkansya o tibuyô
ang walang lamang bote ng alkohol
barya-barya'y aking pinalalagô
upang balang araw, may magugugol

baryang bente pesos at sampung piso
sa tibuyo'y aking inilalagay
sa sandaling mangailangan ako
ay may makukuhanan pa ring tunay

halimbawa, libro'y aking bibilhin
o pamasahe sa patutunguhan
o may mahalagang panonoorin
o may pagkaing nais malasahan

sa tibuyô magtipid at mag-ipon
pag kailangan, may kukunin ngayon

- gregoriovbituinjr.
10.16.2024

* ang tibuyô ay salitang Batangas na katumbas ng Kastilang alkansya